Pilipinas hindi isusuko WPS sa China GOITIA: WALANG PUWANG ANG PANANAKOT

BINIGYANG-DIIN ni Dr. Jose Antonio Goitia na walang puwang ang pananakot at hindi uurong ang Pilipinas sa paggiit ng soberanya at katotohanan sa West Philippine Sea (WPS), kasunod ng palitan ng pahayag nina Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela at ng Chinese Embassy sa Maynila.

Ayon kay Goitia, hindi simpleng sagutan ang naging palitan kundi isang hayagang tangka umano ng China na patahimikin ang Pilipinas at subukin ang paninindigan nito sa WPS.

“Makatotohanang ebidensya at hindi propaganda ang inilalahad ng Coast Guard. Hindi nagiging mali ang katotohanan dahil lamang hindi ito kanais-nais sa iba,” ani Goitia.

Sinabi niyang ang mga pahayag ni Commodore Tarriela ay nakabatay sa opisyal na ulat, larawan at dokumentasyon ng aktuwal na mga insidente sa dagat at hindi haka-haka o paninira.

Dagdag pa ni Goitia, ang pagbubunyag ng katotohanan ay hindi personal na inisyatiba ng isang opisyal kundi bahagi ng malinaw na polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipaalam sa publiko ang tunay na nangyayari sa WPS.

“Kapag hinihingi ang pananahimik ng isang opisyal, ang tinatamaan ay ang patakaran ng estado. Ang transparency ay hindi opinyon,” paliwanag niya.

Binigyang-diin ni Goitia na malinaw ang posisyon ng Pilipinas—walang ulat na itatago at walang teritoryong isusuko, at nananatiling nakabatay ang bansa sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award.

Tinukoy rin ni Goitia na lumampas na umano ang China sa hangganan ng diplomasya matapos magbabala ang Foreign Ministry ng Beijing na dapat tumigil ang mga opisyal ng Pilipinas at PCG sa kanilang mga pahayag o “pay the price.”

Aniya, ang naturang pahayag ay lantad na pananakot at hindi katanggap-tanggap sa harap ng international community.

Samantala, nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tugunan ang agresibong asal ng China alinsunod sa Vienna Convention.

“Estado ang nakikipag-usap sa estado. Hindi dapat tinatakot ang mga lingkod-bayan na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin,” ani Goitia.

Pinagtibay naman ng DFA ang buong suporta nito sa mga institusyong nagtatanggol sa soberanya, karapatan at hurisdiksyon ng bansa, kasabay ng paninindigan ng sambayanang Pilipino laban sa pananakot.

Si Dr. Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY).

37

Related posts

Leave a Comment