TATANGGALIN na ng Senate committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sa ilalim ng pamumuno ni Senador Erwin Tulfo, ang mga “unnecessary requirements” at pulitika sa pagkuha ng ayuda mula sa gobyerno.
Ipinahayag ito ni Tulfo sa nagdaang pagdinig ng komite hinggil sa kanyang panukalang batas na gawing permanente o institutionalized ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ang gagawin natin ay lilimitahan ang mga requirement sa dalawa na lamang. Sisiguraduhin nating matatanggal ang mga hindi kailangang requirement gaya ng barangay indigency form at marriage contract. Halimbawa, kailangan mo ng medical assistance, valid ID at hospital bill lang ang kailangang ipakita,” aniya.
Ayon kay Tulfo, ang pagpapadali sa pagkuha ng ayuda ay magpapatigil sa mga politiko na makialam sa proseso ng distribution.
“Sa totoo lang, dito pumapasok ang pulitika dahil kapag nangangailangan ng tulong ang isang Pilipino, wala silang choice kundi kumuha ng indigency form kung saan nakapaskil ang mukha at pangalan ng mga opisyal ng barangay. Requirement ito sa kasalukuyan; kung wala nito, wala silang makukuha na tulong,” sabi ng neophyte Senator.
Sa kasalukuyan, upang makakuha ng ayuda, kailangang magsumite ng valid ID, Certificate of Indigency mula sa barangay, Barangay Clearance, notarized affidavit, Social Case Study Report, at sa ilang pagkakataon, marriage certificate.
Sagot naman ng DSWD na kapag naging ganap na batas ang panukalang AICS, plano nilang iakyat ang programa bilang isang bureau upang mapabuti ang staffing pattern at implementasyon nito.
Iginiit din ni Tulfo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na pabilisin ang pagpapakalat ng impormasyon na naglilinaw na nagbabawal sa mga politiko na makialam sa pamamahagi ng ayuda.
“Malinaw sa 2026 General Appropriations Act na hindi pinapayagan ang presensya ng sinomang politiko. Aksyunan ito agad dahil malapit na ang eleksyon, at nangangamba ang ating mga kababayan na baka gamitin na naman sa pulitika ang ayuda,” pahayag ng Senador.
Tumugon ang DILG sa panawagan ni Tulfo sa pamamagitan ng paglalabas ng Memorandum Circular No. 2026-066, na nagbabawal maglagay ng pangalan o larawan ng mga opisyal ng gobyerno sa anomang proyekto na pinopondohan ng gobyerno.
Matagal nang isinusulong ni Sen. Erwin Tulfo ang pinaigting na kampanyang “anti-epal” upang pigilan ang mga politiko sa pakikilahok at pag-angkin sa mga ayuda ng gobyerno bilang sarili nilang proyekto.
2
