DEATH TOLL SA MV KERSTIN 3 UMAKYAT SA 40; SEARCH OPS TULOY

UMAKYAT na sa 40 ang kumpirmadong nasawi sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 matapos marekober ang tatlo pang bangkay nitong Linggo ng umaga sa karagatang sakop ng Basilan.

Ayon kay Hadji Muhtamad Mayor Arsina Kahing-Nanoh, namataan ng Bantay Dagat ang mga bangkay na palutang-lutang sa bahagi ng Baluk-Baluk Island. Patuloy ang search, rescue and retrieval operations ng mga awtoridad katuwang ang local volunteers sa pag-asang may marekober pang biktima mula sa lumubog na RO-RO.

Nauna nang kumalat online ang listahan ng 49 missing passengers, kabilang umano ang isang hukom. Ayon sa Sulu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang talaan ay ibinatay sa pahayag ng mga kaanak na nagtungo sa tanggapan ng ahensya sa Jolo, Sulu.

Sa naturang listahan, 31 pangalan ang kabilang sa passenger manifest na ibinigay ng Aleson Shipping Lines, habang 18 ang hindi nakapaloob sa opisyal na manipesto.

Mula sa orihinal na 19 na nasawi, mabilis na umakyat ang bilang matapos marekober ang 11 bangkay noong Huwebes, apat noong Biyernes, tatlo noong Sabado, at tatlo pa nitong Linggo.

Ayon sa Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, 33 sa mga nasawi ang pormal nang nakilala, kabilang sina: Alsihal Sawadjaan, Rodel Chiong, Fatma Buclao, Fatma Ayesha Ambutong, Alih Sali, Henry Calim, Farida Baddun, Brenda Birin, Namma Javeir Buclao, Amma Sali Macalangon, Aldin Mashum, Lanka Halim, Hja. Nurunnihar Lee, Nurhaima Ali Musa, Atika Ali Musa, Saudi Janang, Andrea Safarri Wahid, Omar Tahir Jamaluddin, Zaida Abjuran, Nalda Muksan, Nursalyn Muammil, Dayam Awaluddin, Harlene Asgali, Harija Hadjirul, Nurdaya Tawasil, Dina Ambutong, Anisa Mahsom, Mussah Sala, Jomar Miguel, Janeth Lapinig, Junhar Kamman, Dianeeza Sahial, at Reckmar Abtong.

Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na bagama’t 332 ang nasa passenger manifest, 15 dito ang hindi sumakay. Kaya ang aktuwal na sakay ng barko ay 317 pasahero at 27 crew members, o 344 katao lahat.

Sa naunang ulat ng PCG, 316 katao ang nasagip, 18 bangkay ang na-recover, at 10 ang nawawala. Samantala, sa hiwalay na ulat ng NDRRMC at Office of Civil Defense, para sa validation as of January 26, 2026, 19 ang iniulat na patay at 24 ang nawawala.

(JESSE RUIZ)

2

Related posts

Leave a Comment