ITINURING na may malaking pananagutan ang Kongreso kung bakit nananatiling lugmok sa kahirapan at katiwalian ang Pilipinas dahil sa kabiguang magpasa ng batas laban sa political dynasty, kahit malinaw itong itinatadhana sa 1987 Constitution.
Mula pa sa 8th Congress hanggang sa kasalukuyang 19th Congress, paulit-ulit nang inihain ang mga panukalang batas kontra political dynasty ngunit walang naisabatas, ayon kay Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima.
“Napakatagal na dapat naipasa ng batas na ito. Sa hindi pagsasabatas nito, nasaan na tayo ngayon? Hindi ba’t talamak pa rin ang katiwalian at laganap ang kahirapan?” giit ni De Lima, sabay hamon sa liderato ng Kongreso na ipasa agad ang panukala.
Noong Martes, sinimulan na ng House committee on suffrage and electoral reform ang pagtalakay sa anti-political dynasty bill. Ayon kay Akbayan party-list Rep. Chel Diokno, lalo pang dumami ang political dynasties dahil sa patuloy na hindi pag-aksyon ng mga nagdaang Kongreso.
Inayunan ito ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na nagsabing mula “fat” ay naging “obese” na ang political dynasty sa bansa, matapos makita noong nakaraang halalan ang mga angkang may lima o higit pang sabay-sabay na nakapuwesto.
Dagdag pa nito, ang monopolyo sa kapangyarihan ang nagbubukas ng pinto sa walang-habas na korupsyon kung saan nagiging pribadong yaman ng iilang pamilya ang kaban ng bayan habang ang mamamayan ay lubog sa baha at kahirapan.
Appointive Positions Pinasasama
Kaugnay nito, nakakuha ng suporta sa Mababang Kapulungan ang grupong Kontra Daya sa panukalang isama ang appointive positions sa anti-political dynasty law.
“Naniniwala ako diyan at sasang-ayon ako kapag isinama,” pahayag ni Caloocan City Rep. Edgar Erice, na nagmumungkahing ipagbawal ang pag-appoint sa Gabinete at iba pang matataas na posisyon ng mga kaanak ng halal na opisyal.
Sa Pebrero 10, inaasahang magpapatuloy ang pagdinig ng komite, na target umanong maipasa ang panukala upang maipatupad sa 2028 presidential at local elections, ayon kay Erice.
Ibinulgar din ni Erice ang pagtutol niya sa House Bill 6771 nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos, na tinawag niyang “hoax.”
“Hindi ‘yan anti-political dynasty. Proposal ‘yan para palakasin ang dinastiya. Puwede riyan hanggang labing-isang magkakamag-anak ang sabay-sabay tumakbo,” giit ni Erice.
11
