DSWD NAGBABALA SA MULING PAGLAGANAP NG PEKENG CASH AID

MULING nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga scammer na nagpapanggap na kinatawan ng ahensya at nag-aalok ng pekeng cash aid.

Ayon sa DSWD, kumakalat ang mga mensaheng nangangako ng tulong pinansyal na nagkakahalaga mula ₱6,500 hanggang ₱8,500 kapalit ng personal na impormasyon.

Karaniwang ipinapadala ang scam messages sa pamamagitan ng text at Facebook Messenger kung saan hinihingi ang buong pangalan, contact number, at address ng target na biktima.

Sa ilang kaso, hinihingan pa umano ang mga biktima ng access sa kanilang GCash account na nagiging daan upang makapagnakaw ng pera ang mga salarin.

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, malinaw na panloloko ang naturang modus.

“Ang mga mensaheng ito ay malinaw na scam. Ang DSWD ay hindi pumipili ng benepisyaryo sa pamamagitan ng text messages o pribadong chat at hindi humihingi ng personal na impormasyon o OTP para sa ayuda,” ani Dumlao.

Ipinaliwanag niya na ang lahat ng lehitimong programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at 4Ps ay dumadaan sa tamang proseso at isinasagawa sa tulong ng social workers at LGUs.

Hinimok din ng DSWD ang publiko na i-verify ang impormasyon sa kanilang opisyal na website at verified social media accounts.

(PAOLO SANTOS)

13

Related posts

Leave a Comment