ITINUTURING na “case closed” ang kaso ng pagpaslang sa isang policewoman at sa walong taong gulang nitong anak, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.
Ito ay matapos maaresto ang ikaapat na suspek sa krimen. Nauna nang nadakip ang mag-asawang dating pulis at car agent na sina Christian Suarez Panganiban at Pia Panganiban, na itinuturong mastermind, kasama ang kanilang helper na si Gil Valdemoro Dy Jr., at kapatid ng dating pulis na si Maribel Suarez Panganiban.
Batay sa imbestigasyon, huling nakita sina Police Senior Master Sgt. Diane Marie Mollenido at anak nitong si John Ysmael noong Enero 16, matapos silang magtungo sa mag-asawang suspek.
Noong Enero 19, idineklara silang nawawala matapos ibenta ang Toyota Innova sa halagang P450,000 sa Novaliches, kung saan si Pia Panganiban—na inaanak ng biktima—ang naging middleman.
Patuloy namang iniimbestigahan ang asawa ng biktima na si PSMS John Mollenido, na nasa restrictive custody dahil sa kahina-hinalang ikinilos, kabilang ang agarang pagpapa-cremate ng mga bangkay at kakulangan umano ng emosyon sa gitna ng trahedya.
Natagpuan ang bangkay ni Diane Marie Mollenido noong Enero 24 sa isang sapa sa kahabaan ng Pulilan–Baliuag Bypass Road, habang ang bangkay ng kanyang anak ay natagpuan noong Enero 29 sa isang kalamansi farm sa Victoria, Tarlac.
(TOTO NABAJA)
9
