PBBM DUMISTANSYA SA ‘NO WORK, NO PAY’ BILL NI SANDRO

NABIGLA umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukala ng anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na ipatupad ang “no work, no pay” scheme sa mga miyembro ng Kongreso.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inusisa nila ang Pangulo tungkol sa panukala at lumalabas na hindi pa ito napag-uusapan ng mag-ama.

Sinabi umano ng Pangulo na trabaho ng Kongreso ang paggawa ng batas at hindi siya makikialam sa proseso. Susuriin lamang aniya niya ang panukala kung ito ay maisusumite na sa kanyang tanggapan.

Gayunman, sinabi ng Malacañang na sa pangkalahatan ay maganda ang layunin ng panukala dahil magbibigay ito ng mensahe na ang mga hindi nagtatrabaho ay hindi dapat makinabang sa pondo ng bayan.

Sa ilalim ng House Bill No. 7432, layong tiyakin na ang sahod ng mga mambabatas ay nakabatay sa aktuwal na pagtupad sa kanilang tungkulin. Nilalayon din nitong tugunan ang public concern sa absenteeism, kakulangan sa accountability, at umano’y pag-aaksaya ng pondo ng taumbayan.

(CHRISTIAN DALE)

11

Related posts

Leave a Comment