TSINATORS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

GALIT na galít ang ilang senador. Sino nga ba naman ang hindi iinit ang ulo kung tatawagin kang isang “Tsinador”? Sa panahon ngayon, ang bansag na iyan ay hindi simpleng panlalait. Isa itong mabigat na akusasyon na tila nagsasabing ang iyong paninindigan ay hindi na para sa sariling bayan kundi para sa interes ng ibang bansa.

Pero saan nga ba nanggagaling ang bansag na ito?

Hindi na kailangang pangalanan ang mga pinatutungkulan ng bansag na Tsinador dahil halos araw-araw ay laman sila ng usapan sa social media. Sabi nga, TRENDING! Hindi rin maikakaila na nag-ugat ang galit ng ilang mamamayan sa mismong mga pahayag ng mga opisyal na iyan. Kapag pinakinggan kasi ang tono at nilalaman ng kanilang mga argumento, may mga Pilipinong nakararamdam na tila mas pinapaboran pa ang posisyon ng China kaysa ang paninindigan ng sariling bansa.

Hindi rin natin masisisi ang reaksyon ng publiko. Natural lamang sa isang mamamayan ang ipagtanggol ang teritoryo ng kanyang bayan. Kapag may narinig silang tila nagpapahina sa karapatan ng Pilipinas, mabilis talagang umiinit ang damdamin. Sa kasaysayan ng bansa, paulit-ulit nang napatunayan na ang usapin ng soberanya ay isa sa mga pinaka-sensitibong paksa para sa mga Pilipino.

Tanong nga ni Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela, bakit siya ang pinupuna ng ilang opisyal gayong malinaw na ipinagtatanggol lamang niya ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Simple lang naman ang punto niya, ang ipinaglalaban niya ay kung ano ang malinaw na sakop ng bansa batay sa internasyonal na batas, lalo na ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.

Nakagugulat pa, may naghahamon ng debate kung bahagi nga ba ng Pilipinas ang ilang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. Nakalilito ito para sa maraming Pilipino dahil may mga komunidad na roon, may mga mangingisdang Pilipino na matagal nang umaasa sa yamang-dagat ng naturang lugar, at may mga lokal na pamahalaan na pinamumunuan ng mga kapwa natin Pilipino. Tama bang i-give up natin sila?

Sa kasalukuyan, lalong nagiging agresibo ang China sa pagpapakita ng presensya nito sa West Philippine Sea. Patuloy ang pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino, water cannon incidents laban sa mga barko ng Pilipinas, at pagtatayo ng mga istrukturang militar sa mga pinag-aagawang teritoryo. Sa ganitong sitwasyon, ang pinakamahalagang sandata sana ng bansa ay pagkakaisa.

Sa larangan ng geopolitics, matagal nang ginagamit ang estratehiyang “divide and conquer.” Kapag nagkakawatak-watak ang isang bansa sa loob, mas nagiging madali para sa ibang kapangyarihan na makuha ang gusto nito. Kapag ang mismong mamamayan ay nagdududa kung alin ang sakop ng kanilang bayan, mas lalong lumalabo ang paninindigan sa harap ng internasyonal na komunidad.

May ilan ding gumagamit ng bantang giyera bilang argumento upang manahimik ang mga Pilipino. Ngunit kung titingnan ang sitwasyon sa rehiyon, maraming bansa ang matapang na tumitindig laban sa China. Lumalaban sila ng water cannon, may mga bangkang sinira, at may matitinding diplomatic protests. Gayunpaman, hindi ito humahantong sa malawakang digmaan. Ang diplomasya, alyansa, at matibay na posisyon sa internasyonal na batas ang karaniwang nagiging sandata ng mga bansang nais ipagtanggol ang kanilang soberanya.

May mga panawagan din na iboykot ang mga produktong China. Ngunit hindi simpleng usapin ng kalakalan ang problema. Ang mas malalim na usapin ay ang integridad ng teritoryo ng bansa. Hindi negosyo ang nakataya rito kundi pambansang dangal at kinabukasan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Tanong nga ng netizens, paano tayo mananalo kung tayo mismo ay hindi magkasundo?

Ito ang dapat pagnilayan, hindi lamang ng mga lider ng bansa kundi ng bawat Pilipino. Ang soberanya ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan. Isa itong kolektibong paninindigan ng sambayanan. Maaaring magkakaiba ang pananaw sa paraan kung paano haharapin ang isyu, ngunit ang layunin ay dapat iisa, at ‘yan ay protektahan kung ano ang malinaw na para sa Pilipinas.

Ang bansag na “Tsinador” ay sintomas lamang ng mas malalim na problema. Ito ay kakulangan ng tiwala ng publiko sa ilang lider pagdating sa pambansang interes. At hangga’t hindi malinaw at matatag ang paninindigan ng mga opisyal sa usapin ng soberanya, mananatiling mainit ang ulo ng bayan, at mananatiling bukas ang sugat ng pagdududa.

3

Related posts

Leave a Comment