“WALANG pinipiling kulay ang gutom, mahal na pagpapagamot at kahirapan, ano man ang panig na sinusuportahan ninyo.”
Ito ang mariing pahayag ni Senador Erwin Tulfo habang nananawagan sa kanyang mga kasamahan sa Senado na muling magkaisa sa gitna ng umiinit na hidwaang pampulitika.
Sa panayam sa radyo, iginiit ni Tulfo na dapat lampasan ng mga lider ang usapin ng kulay at partido upang matugunan ang mga suliraning kinakaharap ng bansa, kabilang ang gutom, mataas na presyo ng mga bilihin at kakulangan sa serbisyong pangkalusugan.
“Paano natin reresolbahin ang mataas na presyo ng mga bilihin at mababang kita? Hindi na ito usapin ng pagpanig sa kahit kanino dahil lahat tayo ay nakakaranas ng taas ng presyo ng bilihin,” ani Tulfo.
Binigyang-diin pa ng senador na pare-parehong apektado ng krisis ang mga tagasuporta nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Vice President Sara Duterte at maging ng mga tagasuporta ni Leni Robredo.
“Lahat tayo ay Pilipino. Iisa ang problema natin. Sa tingin ba natin ang mga tagasuporta ng isang partikular na grupo ay nakakabili ng mas murang bilihin? Hindi. Pare-pareho tayong bumibili ng pagkain at gasolina. Kaya kung lulubog ang bangka, lulubog tayong lahat,” dagdag niya.
Dumaing din si Tulfo na sa panahon ng krisis, ang mga pinuno ng bansa ang dapat nagbubuklod sa mamamayan at hindi naghahati-hati sa kanila.
“Itigil na natin ang mga alitan na ito. Habang patuloy nating pinag-uusapan ang sitwasyong ito, lalo lamang nating hinahati hindi lang ang Senado kundi pati ang mga Pilipino,” giit niya.
Dahil dito, muling umapela ang senador sa kanyang mga kasamahan na ituon ang kanilang pansin sa paggawa ng batas at pagresolba sa mga suliraning direktang nararanasan ng mamamayan.
“Huwag na nating tingnan ang mga kulay dahil iisa lang ang ating mga problema. Dapat tayong magtulungan kung talagang mahal natin ang ating mga kababayan,” ani Tulfo.
Matatandaang nauna na rin siyang nanawagan sa Senado na manatiling nagkakaisa para sa kapakanan ng publiko.
“Magbalangkas na ng mga batas, mag-imbestiga sa mga iregularidad nang walang kinatatakutan, at unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino. Ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pag-atras sa laban; ito ay ang pagsasama-sama ng ating lakas upang protektahan ang sambayanan,” pagtatapos ni Tulfo.
107 