DA IREREKOMENDA EXTENSION NG P50/KILO RICE PRICE CAP

IREREKOMENDA ng Department of Agriculture ang pagpapalawig ng P50 kada kilo maximum suggested retail price (MSRP) sa bigas na nakatakdang mag-expire sa Hunyo 30.

Sa press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinag-aaralan ng DA ang posibilidad na palawigin ang price cap upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga mamimili.

“Ang sabi po mismo ng DA ay magrerekomenda pa rin po sila ng extension of the price cap, at ito naman po ay titingnan kung sasang-ayunan ng National Price Coordinating Council at kung aaprubahan ng Pangulo,” ani Castro.

Gayunman, nilinaw niyang wala pang pinal na desisyon dahil kinakailangan pa itong dumaan sa masusing ebalwasyon ng National Price Coordinating Council bago isumite para sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Nang tanungin kung maaaprubahan ang panukala bago sumapit ang Hunyo 30, sinabi ni Castro na iyon ang layunin ng DA.

“Iyon po ang inaaral ng DA at iyan po ang nais nila,” aniya.

Samantala, kinumpirma rin ni Castro na may ilang rice retailers na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa umano’y hindi pagsunod sa ipinatutupad na rice price cap.

Ayon sa kanya, nagsimula na ang DA na magpalabas ng notices sa mga establisimyentong pinaghihinalaang lumabag sa polisiya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“So, sa ngayon po ay iniimbestigahan po ito kaya hinihikayat natin ang mga kababayan natin, sa mga nakikita ninyong umaabuso patungkol sa presyo ng bigas, ipagbigay-alam lamang po ninyo sa amin o sa Department of Agriculture para ito ay maimbestigahan at mapanagot ang dapat mapanagot,” dagdag ni Castro.

Dahil dito, hinikayat ng Malakanyang ang publiko na makiisa sa pagbabantay sa pagpapatupad ng rice price cap sa pamamagitan ng pagrereport ng mga posibleng paglabag sa mga kinauukulang ahensiya.

Bagama’t wala pang eksaktong bilang ng mga rice retailer na iniimbestigahan, sinabi ni Castro na nakapagpalabas na ng notices ang DA sa ilang establisimyento na posibleng lumabag sa umiiral na polisiya.

(CHRISTIAN DALE)

72

Related posts

Leave a Comment