PINALAWAK NA SCHOOL FEEDING PROGRAM, SISIMULAN NGAYONG TAON

TINIYAK ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na sisimulan ngayong taon ang pinalawak na feeding program sa mga pampublikong paaralan at Child Development Centers (CDCs) upang labanan ang malnutrisyon sa mga mag-aaral.

Sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan ng P25.7 bilyon para sa School-Based Feeding Program (SBFP).

Saklaw na ng programa ngayong taon ang lahat ng mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1 sa mga pampublikong paaralan.

Pinalawig din ang feeding days mula 120 patungong 200 araw.

Inaasahang aabot sa 4.6 milyong mag-aaral ang makikinabang sa programa, kabilang ang mga wasted, severely wasted, stunted at severely stunted learners mula Grade 2 hanggang Grade 6.

Samantala, naglaan naman ng P9.2 bilyon para sa Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development.

Target nitong matulungan ang humigit-kumulang 1.8 milyong batang naka-enrol sa Child Development Centers at Supervised Neighborhood Play.

“Isa sa pinakamahalagang tinutukan ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa edukasyon ay ang laban kontra gutom at malnutrisyon ng ating mga mag-aaral. Kapag sapat ang pagkain at maayos ang nutrisyon ng bata, mas handa silang matuto at abutin ang kanilang mga pangarap,” ani Gatchalian.

(DANG SAMSON-GARCIA)

112

Related posts

Leave a Comment