KASABAY ng paggunita sa Araw ng Kalayaan, nanindigan si Senate President Alan Peter Cayetano na patuloy niyang ipaglalaban ang “buong katotohanan” sa likod ng umano’y pag-agaw sa liderato ng Senado at ng isyu ng flood control scandal, kahit pa may kapalit ito sa kanyang panig.
“Ang ating kalayaan ay may cost,” ani Cayetano sa isang Facebook livestream noong Hunyo 12.
“Kapag lumaban ka ngayon, may cost. Aapihin ka. Dudurugin ka sa media at social media. Kakasuhan ka. Baka ikulong ka pa,” dagdag niya.
Matatandaang ilang ulit nang iginiit ni Cayetano na ang mga kaguluhang naganap mula nang maupo siya bilang Senate President ay bahagi umano ng tangkang kontrolin ang Senado at ang Blue Ribbon Committee upang maitago ang buong katotohanan sa umano’y flood control scam.
Inihayag din niya na may ilang senador mula sa kanyang bloc na umano’y tinakot ng ilang opisyal ng administrasyon na kakasuhan kung hindi lilipat sa kabilang kampo.
Sa kabila nito, sinabi ni Cayetano na magpapatuloy siya sa paninindigan para sa isang “independent na Senado” na hindi aniya dapat maging sunud-sunuran sa Malacañang.
“We cannot turn over to you a corrupt-free Philippines ‘pag hindi tayo lumaban,” aniya.
Nagbabala rin siya na malaki ang magiging kabayaran ng bansa kung magpapatuloy ang mga umano’y kasinungalingan at katiwalian sa pamahalaan.
“Ang cost will be the millions of Filipinos na hindi mapapagamot kasi nanakaw ‘yung panggamot o pang-hospital. Ang cost ay huli na tayo sa education. Ang cost ay ‘yung millions who will have to go abroad because walang trabaho,” ani Cayetano.
Nanawagan din siya sa mga kapwa senador, mamamahayag, netizens, negosyante at sa publiko na manindigan para sa katotohanan at sa kinabukasan ng bansa.
“We need more independent heads to stand up and say, ‘Mali na ito. Lumaban tayo,’” dagdag niya.
Hinimok din niya ang mga Pilipino na ipagdasal ang kalayaan ng bansa mula sa “idolatry, immorality, sickness, poverty, corruption.”
“God wants us free. God wants us to be independent. But God wants us all to be dependent on Him. But we have to put action to our faith. Pray, tapos lumaban at kumilos tayo,” pagtatapos ni Cayetano.
93 