GIBO NAGPALIWANAG SA CHINA SANCTION

“AKO ay naglahad lamang ng katotohanan tungkol sa West Philippine Sea at sa mga ilegal na gawain nila dito sa Pilipinas.”

Ito ang pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. matapos siyang patawan ng sanctions ng China.

Ayon kay Teodoro, kabilang sa mga isyung kanyang inilantad ang umano’y operasyon ng scam hubs na nakatago sa ilalim ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ang kaso ni Alice Guo at ang pagsasara ng Sanjia Steel Factory na umano’y gumagawa ng substandard na bakal.

“Tandaan natin itong Sanjia ay pag-aari ni Tony Yang, kapatid ng notorious na Michael Yang. Inamin ni Tony Yang sa Senado na peke ang kanyang citizenship,” ani Teodoro.

Aniya, iniimbestigahan din ng National Bureau of Investigation ang Sanjia Steel Factory na matatagpuan sa PHIVIDEC Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Nilinaw ng kalihim na hindi laban sa mga Chinese nationals ang kanyang mga pahayag kundi laban sa mga ilegal na aktibidad na nakapipinsala sa bansa.

Dagdag pa niya, nais din niyang magkaroon ng maayos na defense relations sa China ngunit hindi ito posible habang patuloy umano nitong ipinipilit ang tinatawag na “illegal nine-dash line.”

“Katrayduran kung sasang-ayon tayo rito. Ako ay nananalig sa ating mga diplomats at ang DND naman ay pinapalakas ang AFP upang mapatupad natin ang misyon nito,” aniya.

Dahil sa kanyang mga naging pahayag at posisyon sa usapin ng West Philippine Sea, isinailalim ng China sa sanctions si Teodoro, kabilang ang kanyang asawa at anak, na hindi na maaaring makapasok sa mainland China, Hong Kong at Macau.

Pinalagan din ng China ang naging pahayag ni Teodoro sa Shangri-La Dialogue kung saan sinabi niyang hindi mababago ng mga alok na ayuda ng Beijing ang paninindigan ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea.

“Makakaasa po kayo na lalo ko pang itutuloy ang aking tungkulin at malinaw ang ating estratehiya sa pagpapalakas ng national defense at pagpapatibay ng mga alyansa ng ating bansa,” pagtatapos ni Teodoro.

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment