INIREKLAMO sa Department of Justice (DOJ) ang hepe ng Dasmariñas Police sa Cavite at 20 iba pang pulis kaugnay ng umano’y illegal arrest, arbitrary detention at pananakit sa mga karpintero at security guard ng isang establisimyento sa Cavite.
Ayon kay Atty. Fatimah Villanueva, abogado ng mga nagreklamo, naganap ang unang insidente noong Disyembre 21, 2025 nang umano’y ilegal na arestuhin at saktan ng hindi bababa sa 20 pulis ang 12 karpinterong nagtatrabaho sa isang gusali.
Noong Enero 6, 2026 naman, inimbitahan umano sa police station at inaresto nang walang warrant of arrest ang pitong security guard na naka-duty sa naturang lugar.
Sinasabing nag-ugat ang insidente sa alitan sa pagmamay-ari ng gusali. Pinaalis umano ang mga karpintero at security guard at kinasuhan ng trespassing.
Ayon sa abogado, umabot sa apat na araw na nakadetine ang kanyang mga kliyente at nakaranas umano ng pananakit habang nasa kustodiya. Dahil umano sa banta sa kanilang kaligtasan, sa DOJ inihain ang reklamong illegal arrest, arbitrary detention at perjury.
Una nang naghain ang mga nagreklamo ng dalawang administratibong kaso laban sa mga pulis sa National Police Commission (Napolcom).
(JULIET PACOT)
3
