MAGPAPATAYO ang pamahalaan ng tinatayang 4,000 bagong silid-aralan sa buong bansa upang matugunan ang kakulangan sa mga classroom, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay kasunod ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs).
“Pormal nating itinatag ang pagtutulungan ng DepEd at ng iba’t ibang lalawigan upang matiyak na bawat batang Pilipino ay may ligtas at disenteng silid-aralan,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi ni Marcos na ito pa lamang ang unang yugto ng mas malawak na classroom-building program ng administrasyon.
Ayon sa datos, umaabot sa 145,000 silid-aralan ang kakulangan sa bansa hanggang Disyembre 2025.
“This is the gap that we must address urgently. Hindi tayo makakapaghintay ng lima o sampung taon para matiyak na may komportableng silid-aralan ang bawat mag-aaral,” giit ng Pangulo.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DepEd ang magbibigay ng pondo at pamantayan habang ang LGUs ang hahawak sa procurement at konstruksyon.
Nakasaad sa 2026 General Appropriations Act ang higit P85 bilyong pondo para sa basic education facilities, kabilang ang P9.6 bilyon para sa unang batch ng mga silid-aralan.
Tiniyak din ng Pangulo na hindi papayagan ang ghost projects at substandard na classroom dahil direktang mananagot ang LGUs sa kanilang mga nasasakupan.
(CHRISTIAN DALE)
4
