CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINUHULAAN na ngayon pa lang ng ilang nagmamasid ang ‘guilty verdict’ sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sakaling umabot ito sa Senado.
Tingin nila, tagilid ang laban sa tandem nina Senate President Tito Sotto at Senate Pro Tempore Ping Lacson.
E kasi ba naman, sila ang tinatawag ngayon na ‘bastonero ng Palasyo’.
Hindi nga raw kasi disimulado ang galawan ng dalawang senador lalo nang kuwestiyunin ni Sotto ang Korte Suprema sa desisyong ideklarang unconstitutional ang naunang impeachment complaint laban kay Sara.
Dahil sa hindi pagsang-ayon ni Sotto sa nasabing Supreme Court resolution at nabuhay ang pagsusulong ng Charter change para mapigilan ang Korte Suprema sa pagdagdag ng requirements ng isang impeachment complaint.
Pero para sa ibang senador, ang isinusulong na Charter change ay halatang diskarte raw ni Sotto dahil meron pang natitirang dalawang taon bago matapos ang 20th Congress. Malinaw na ayaw ni Sotto na masibak bilang Senate President.
Mukhang mas lalong kinabahan si Sotto nang pumutok ang tsismis sa Senado na papalitan siya ni Senator Loren Legarda bilang Senate President.
At sa gitna ng kaliwa’t kanang ‘marites’ sa Senado, lumitaw ang isang dokumento sa media na inirerekomenda ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Ping ang pagsasampa ng mga kaso laban kina Senator Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva.
Sa ngayon, wala pang recommendation ang DOJ o ang Ombudsman sa pagsasampa ng kaso laban sa tatlong senador. Nagmumukhang hearsay testimony o haka-haka lamang ang basehan ng recommendation ng Blue Ribbon Committee.
Siguro, alam na ni Ping na ‘di makalulusot ang nabanggit na recommendation lalo na kung mahina ng basehan. Dahil diyan, biglang sumulpot ang draft sa mga committee member para iparating ang naratibo na may nagbabadyang Senate coup.
May pahabol pa si Ping, ang draft committee report ng Blue Ribbon ay maaari raw magbago pero hindi ang substance. Gulo mo!
Paramdam ba ito para sa 2028? Ito kaya ay pasakalye para sa Ping-Tito tandem? Abangan.
7
