IGINIIT ng Korte Suprema na hindi awtomatikong nawawalan ng bisa ang isang testimonya kahit ito ay bawiin kalaunan lalo na sa mga kasong may kinalaman sa sexual abuse.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Antonio Kho Jr., pinagtibay ng Second Division ang hatol laban sa isang ama na napatunayang nagkasala ng lascivious conduct sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse Law.
Batay sa rekord, 14-anyos ang biktima nang tangkain umano siyang hubaran at hawakan ng kanyang ama habang sila ay natutulog. Tinangka rin umano siyang gahasain ngunit nabigo.
Isinumbong ng dalagita ang insidente sa kanyang guro kinabukasan at agad na naipaabot sa mga awtoridad.
Bagama’t kalaunan ay binawi ng biktima ang kanyang salaysay, iginiit ng Korte Suprema na nananatiling mahalaga ang naunang malinaw at kapani-paniwalang testimonya.
Dahil dito, pinagtibay ng SC ang hatol na reclusion perpetua laban sa akusado at inatasang magbayad ng P225,000 bilang danyos sa biktima.
(JULIET PACOT)
2
