MAKIKIPAGTULUNGAN ang pamahalaan sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa mga tinukoy na “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maaaring sundan ang naging mekanismo sa pag-aresto sa dating pangulo kung hihiling muli ng tulong ang ICC sa Interpol.
Kabilang sa pinangalanan ng ICC sina Sen. Ronald dela Rosa, Sen. Bong Go, at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng PNP.
Iginiit ni Castro na iginagalang ng administrasyon ang “due process” at handang ipatupad ang anomang legal na kautusan kung kinakailangan.
Sa usapin naman ng posibleng implementasyon ng arrest warrants sa pamamagitan ng Interpol, sinabi ni Castro na kahalintulad na proseso ang sinunod noon.
Nanindigan din ang Palasyo na ang naging pag-aresto kay Duterte ay nakaangkla sa commitment ng Pilipinas sa Interpol at hindi sa hurisdiksyon ng ICC, na anila’y wala nang saklaw sa bansa.
Sa ngayon, wala pa umanong natatanggap na arrest warrant ang pamahalaan.
Hinimok din ni Castro ang mga tagasuporta ng Duterte camp na manatiling kalmado at hayaang umusad ang legal na proseso, sabay paalala na ang katarungan ay dapat para sa parehong biktima at akusado.
Diniscourage rin ng Palasyo ang pagtatago ng sinomang nasasangkot.
“Kung wala kang kasalanan, hindi kailangang magtago. Harapin ang proseso at maging matapang,” ani Castro.
(CHRISTIAN DALE)
10
