BILANG pagpapalakas sa rice security ng Pilipinas, lumagda ang Department of Agriculture at Japan International Cooperation Agency (JICA) sa JPY 1.7 bilyong grant para sa modernong rice processing system sa Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang modernisasyon ng agrikultura.
Itatayo ang pasilidad sa Cauayan City, isa sa top rice-producing areas sa Isabela, at ipatutupad sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA).
Layunin nitong palakasin ang buffer stocking capacity ng NFA at bawasan ang post-harvest losses.
Magkakaroon ang pasilidad ng high-capacity mechanical grain dryers, multi-stage rice mill at grain silos na kayang humawak ng mas malaking volume ng ani.
Tinatayang 5,000 magsasaka ang direktang makikinabang dito.
Bukod sa mas maayos na imbakan, inaasahang tataas ang milling recovery rates, gaganda ang kalidad ng lokal na bigas at mas magiging handa ang suplay para sa disaster response at mga programa tulad ng “Benteng Bigas, Meron Na.”
Kasabay nito, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng Japan bilang strategic partner sa trade, investment at quality infrastructure collaboration sa ginanap na 42nd Annual Joint Meeting ng Japan-Philippines economic committees sa Malacañang.
Kabilang sa tinukoy na investment opportunities para sa Japanese firms ang semiconductors, automotive manufacturing kabilang ang electric vehicles, aerospace at renewable energy value chain.
(CHRISTIAN DALE)
8
