PNP-NCRPO FULL ALERT SA TRILLION PESO MARCH

SIMULA bukas Pebrero 21, ilalagay ng Philippine National Police- National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) sa full alert status ang kanilang buong pwersa upang matiyak na mapapanatili ang kapayapaan at seguridad bago ang isasagawang Trillion Peso March.

Ayon kay NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, magtataas sila ng alert level sa kabila ng kawalan ng anomang na-monitor na validated threat.

“Para sa mga threats, wala po tayong namo-monitor na mga banta pero patuloy naman ‘yung ginagawa natin na pakikipag-ugnayan sa ating other intel agencies para ma-sure na lagi tayong nakahanda in case meron mga eventualities,” sabi ni Asilo.

Ayon pa sa opisyal, upang higit na palakasin ang koordinasyon, magsasagawa ang NCRPO ng coordination conference alinsunod sa pagproseso ng mga permit at pagsasapinal ng mga operational plan kasama ang mga organizer ng martsa.

Sinabi ni Asilo, batay sa inaprubahang permit, ang Trillion Peso March ay gaganapin mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi sa Pebrero 25, na may maximum na 20,000 dadalo.

Nabatid pa na bukod sa People Power Monument sa EDSA, magbabantay rin ang pulisya sa iba pang mga lugar sa Metro Manila gaya ng Ayala Bridge at Mendiola.

Kaugnay nito, bilang bahagi ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa ilalim ng PNP Focused Agenda, ang deployment ng mga tauhan ay nakaangkla sa malakas na sakop ng distrito, sa pangunguna ng Quezon City Police District (1,576), Manila Police District (1,898), Southern Police District (2,322), Northern Police District (1,332), at Eastern Police District (879).

Sinabi pa sa ulat na ang mga puwersang ito ay palalakasin ng mga tauhan mula sa Regional Headquarters (850), Regional Mobile Force Battalion (816), at Special Action Force (77).

Ang mga yunit ng suporta na pakikilusin ay upang matiyak ang ganap na kahandaan sa operasyon, kabilang ang mga tauhan mula sa Police Regional Office–Central Luzon at Police Regional Office–CALABARZON, na may tig-1,000 pulis bawat rehiyon.

Saklaw ng inilalatag na security blanket na masisiguro ang epektibong crowd control management, pangangalaga sa daloy ng trapiko, pagtugon sa emerhensiya, at pagsubaybay sa kaligtasan ng publiko sa buong nakatakdang mga kaganapan.

(JESSE RUIZ)

7

Related posts

Leave a Comment