NAGBABALA si AKO BICOL Party-list Rep. Alfredo A. Garbin Jr. sa umano’y muling pag-usbong ng ilegal na jueteng sa Albay kasunod ng pagpapatigil sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa lalawigan.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, kinuwestiyon ni Garbin ang biglaang pagpahinto sa STL noong Disyembre 2025 kahit may bisa pa umano ang permit ng operator hanggang Oktubre 2026. Dahil dito, tinatayang P40 milyong buwanang remittance ang nawala sa Philippine Charity Sweepstakes Office na nakalaan sana para sa tulong-medikal at iba pang social services.
Iginiit ng mambabatas na walang “malinaw, legal, o tapat na basehan” ang naturang pagsasara. Aniya, kapag napuputol ang legal na kita, ang taumbayan ang dehado at ang mga sindikato ang nakikinabang.
Tahasan ding binanggit ni Garbin ang grupong “ZagNim” na umano’y pinayagang magpatakbo ng jueteng sa ilang bahagi ng Albay. Ang “Zag,” ayon sa kanya, ay tumutukoy umano kay Jun Alegre, na inilarawan niyang kaalyado at ka-tandem ni Albay Gov. Noel Rosal noong huling eleksyon.
Ang “Nim” naman ay itinuturo kay Alwing Nimo, na ayon kay Garbin ay dati nang nadawit sa isyu ng jueteng payola.
Idinawit din ng kongresista si Albay Police Provincial Director Col. Noel Nuñez dahil sa mga ulat na nagbaba umano ito ng direktiba sa mga lokal na pulisya para bigyang-daan ang operasyon ng jueteng. May mga mayor din umanong nilapitan si Nimo upang humingi ng “clearance” sa operasyon sa kani-kanilang munisipalidad.
Ayon kay Garbin, hindi ito unang beses na nangyari. Noong Hulyo 2022, naglabas umano si Rosal ng cease-and-desist order laban sa STL ilang linggo matapos maupo sa puwesto. Nauwi ito sa pagsasampa ng criminal complaint laban sa gobernador na kasalukuyang dinidinig sa Regional Trial Court sa Quezon City.
Para sa mambabatas, ang pagsasara nitong Disyembre 2025 ay tila pag-uulit lamang ng dating insidente.
“Habang ipinatitigil ang legal na STL, mabilis at lantaran namang bumabalik ang jueteng,” ani Garbin.
Dahil dito, kinalampag niya ang Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, Criminal Investigation and Detection Group, National Bureau of Investigation, at Philippine Charity Sweepstakes Office upang magsagawa ng agaran, patas at masusing imbestigasyon.
Nanawagan din siya sa Kamara na maglunsad ng pagdinig sa isyu.
“Hindi na lamang ito simpleng usaping pulitika. Sangkot na rito ang tiwala ng publiko, pondo ng bayan, at integridad ng batas,” giit niya.
Sa hiwalay na isyu, naging maugong din ang pangalan ni Rosal matapos kanselahin ng Commission on Elections ang kanyang Certificate of Candidacy sa nagdaang 2025 elections, bagay na nagbunsod ng mga tanong sa kanyang panunungkulan.
Habang isinusulat ito, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ng gobernador kaugnay sa mga alegasyon.
(RUDY SIM)
1
