AKYAT-BAHAY TIMBOG MATAPOS TUMALON AT BUMAGSAK SA BARANGAY TANOD SA GEN. TRIAS

NAARESTO ang isang hinihinalang akyat-bahay matapos itong bumagsak sa isang barangay tanod nang tumalon mula sa ikalawang palapag ng nilooban nitong bahay sa Gen. Trias City, Cavite noong Lunes ng umaga.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Daniel” at kasalukuyang nasa kustodiya ng Gen. Trias Component City Police Station.

Ayon sa ulat, pinasok umano ng suspek ang bahay ng alyas na “Judy” sa Brgy. Pasong Kawayan 2 bandang alas-5 ng umaga sa pamamagitan ng hindi naka-lock na bintana.

Tinangay umano ang isang cellphone na nagkakahalaga ng P16,000 ngunit napansin ito ng biktima na agad tumawag sa barangay.

Sa pagresponde ng mga tanod, tinangkang tumakas ng suspek sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikalawang palapag, ngunit bumagsak ito sa isang tanod na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Narekober mula sa suspek ang tinangay na cellphone.

(SIGFRED ADSUARA)

1

Related posts

Leave a Comment