3 PATAY SA PAGSALAKAY NG MGA ARMADO

TATLO katao kabilang ang isang ginang, ang napatay sa pag-atake ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa isang compound sa Barangay Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Romulo Sangalang, 82, residente ng Barangay San Francisco, Mabalacat, Pampanga; Theodore Sangalang, driver, mula sa bayan ng Guimba; at Rose Yuson, isang may-asawang kasambahay mula sa Barangay Baloc.

Natagpuan ng isang residente ng barangay ang mga bangkay bandang alas-9:30 ng umaga at iniulat ang insidente sa Sto. Domingo police dakong alas-11:30 noong Sabado ng umaga.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang dalawang lalaki ay natagpuan sa labas ng isang container van na ginagamit bilang tirahan, habang si Yuson ay natagpuang patay sa loob ng van, nakahiga malapit sa kama na may mga tama ng bala.

Ayon sa mga awtoridad, nagkalat ang ilang dokumento sa loob ng van.

“Ang kandado ng container van ay sapilitang sinira, at ang mga kabinet sa loob ay nilimas,” nabatid sa ulat ng pulisya.

Natagpuan ang mga awtoridad ng ilang basyo ng bala mula sa .45 caliber at 9mm na baril sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaslang at para makilala ang mga suspek.

(JESSE RUIZ)

5

Related posts

Leave a Comment