NANINIWALA ang Malacañang na maaaring ginagamit lamang ang isyu ng umano’y “maleta” at ang paglutang ng 18 dating Marines upang patalsikin sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
“Malamang!” ito ang tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung may destabilisasyon sa likod ng alegasyon na may naihatid umanong “kickbacks” sa Pangulo at iba pang opisyal.
Gayunman, inamin ni Castro na wala silang partikular na impormasyon hinggil dito.
“Pero wala po tayong partikular na impormasyon patungkol diyan. Kung anong nais nila, hindi po natin batid pero ang mga nasa likod nito, alam naman natin kung anong gusto nila,” ani Castro.
Para sa Malacañang, ang mga nasa likod umano ng paglutang ng isyu ay may layuning pabagsakin ang administrasyon at iluklok ang kanilang lider.
Nabanggit ito ni Castro nang matanong kung kaayon ba ng Palasyo ang pananaw nina Senador Panfilo Lacson at Sonny Trillanes na maaaring may motibong destabilisasyon sa likod ng pagsasalita ng mga dating Marines.
Nagpaalala rin siya sa mga umano’y “bagman” na huwag magpagamit.
“Bilang Pilipino, huwag na lamang silang magpagamit. Makakasira ito para sa ating bansa,” pahayag niya.
(CHRISTIAN DALE)
4
