HAZING VICTIM NA INIWAN SA OSPITAL, NAMATAY

CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa isang pasyenteng biktima ng hazing na dinala ng isang sasakyang Mitsubishi Mirage sa isang ospital at iniwan na kalaunan ay namatay sa Gen. Trias City noong Linggo,

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng pasyenteng biktima na dinala sa Gen. Trias Medical Hospital sa Brgy. Manggahan, General Trias City, bandang alas-2:11 ng hapon.

Ayon sa ulat, isang Mitsubishi Mirage na may plakang NAV 9489, ang dumating sa nasabing ospital na may dalang pasyente na umano’y biktima ng hit and run, tinawag ang hospital staff para kunin ang pasyente sa loob ng sasakyan at dalhin sa loob.

Matapos maibaba ang nasabing pasyente ay mabilis na umalis ang mga pasahero ng nasabing sasakyan at iniwan ang pasyente nang hindi nagbibigay ng anomang detalye.

Nang suriin ng doktor ay nakitaan ng mga paso sa buong katawan at mga hita ang pasyenteng hinihinalang biktima ng hazing na namatay kinalaunan.

Nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Cavite Land Transportation Office (LTO) para sa pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan upang matukoy ang driver at mga kasamahan nito na nagdala sa biktima sa nasabing ospital.

(SIGFRED ADSUARA)

1

Related posts

Leave a Comment