SHORT-TERM SAFEGUARDS SA EPEKTO NG GULO SA MIDDLE EAST PINALALATAG

UMAPELA si Senador Risa Hontiveros sa Department of Energy (DOE) na maglatag ng agarang short-term safeguards upang maibsan ang posibleng epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East sa suplay ng langis at gas ng bansa.

Ayon kay Hontiveros, may malaking posibilidad na maapektuhan ang global oil market na maaaring magdulot ng pagnipis ng suplay at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Binigyang-diin ng senadora ang pangangailangang palakasin ang energy security habang binubuo ang isang komprehensibo at pangmatagalang strategic plan.

Nanawagan din siya ng malinaw at mabilis na mekanismo para sa repatriation ng mga Pilipinong nais umuwi, sapat na pondo, at maayos na koordinasyon ng mga ahensya. Dapat din aniyang may contingency plans hindi lamang sa ligtas na pag-uwi kundi pati sa kabuhayan ng mga OFW.

Middle East Crisis Command Center

Inirekomenda naman ni Senador Francis Escudero ang pagbuo ng isang coordinated Middle East Crisis Command Center upang matiyak ang proteksyon ng mga Pilipino sa rehiyon.

Ani Escudero, tututok ang command center sa real-time monitoring, pagtukoy ng ligtas na ruta, at paghahanda ng evacuation assets sa mga paliparan at daungan ng mga kaibigang bansa.

Dapat ding tiyakin ang maayos na komunikasyon sa mga OFW sa pamamagitan ng emergency hotlines at check-in systems, lalo na sa high-risk areas tulad ng Israel at Iran.

Samantala, tiniyak ni Senador Bong Go ang kahandaan niyang tumulong sa mga OFW na magpapasaklolo.

Nanawagan si Go sa mga ahensya na bantayang mabuti ang sitwasyon at kung kinakailangan ay agad ilikas at i-repatriate ang mga Pilipino, kasabay ng sapat na reintegration programs.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang bantayan ang epekto ng krisis sa ekonomiya, partikular ang pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

(DANG SAMSON-GARCIA)

1

Related posts

Leave a Comment