SINO’NG DAPAT PANIWALAAN, ANG NAG-AAKUSA O ANG INAAKUSAHAN?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KANYA-KANYANG tanggi ngayon ang mga opisyal ng pamahalaan na pinangalanan ng 18 dating mga sundalo, na hinatiran umano nila ng paper bag at male-maletang pera mula sa utos ng kanilang boss na si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Kamakailan sa isang press conference na pinangunahan ni Atty. Levito Baligod, isiniwalat ng 18 dating mga sundalo na nag-deliver sila ng limpak-limpak na pera sa iba’t ibang mga opisyal ng pamahalaan.

Siyempre, kabilang umano sa kanilang hinatiran ay si PBBM at ang pinsan nito na si dating Speaker Martin Romualdez.

Kasama sa binanggit ng mga dating sundalo ay sina Sonny Trillanes na may conde name na “ST”, Mamamayan Liberal Party-list Rep. Leila De Lima, 7 senador at 26 kongresista, at iba pang cabinet members.

Kumpletos rekados na mga ebidensiya ang iprinesenta ng dating mga sundalo sa isinagawang press conference sa isang restaurant sa San Juan City, na magpapatunay na sila ang naghahanda para ihatid ang tinawag nilang “basura” sa mga opisyal ng pamahalaan kung saan man sila nandoon.

Ipinakita nila ang mga litrato habang ikinakamada, isinasakay sa eroplano at helicopter, binibilang ang mga maleta, na inihatid umano nila sa ICC investigators at staff mismo ng ilang kongresista.

Lahat ng mga ito ay sumambulat sa mga personalidad na idinawit ng dating mga sundalo, na nagkamal umano ng limpak-limpak ng salapi mula sa mga Pilipino.

Kahit na matibay ang basehan sa pagkakasangkot ng mga ito, ay todo tanggi pa rin sila sa paratang.

Dinala na ni Atty. Baligod ang affidavit ng dating mga sundalo sa Office of the Ombudsman, kahit na binanggit din ang pangalan ni Ombudsman Boying Remulla sa kontrobersiya.

May nananawagan na dapat daw ay mag-inhibit si Ombudsman Boying Remulla sa usapin ng imbestigasyon sa affidavit ng 18 dating mga sundalo, para magkaroon ng tiwala ang publiko na patas ang gagawing pagbusisi sa mga isiniwalat ng mga dating miyembro ng Philippine Marines at Philippine Army.

Ngayon dahil nabanggit ang kanilang mga pangalan ay kanya-kanya silang tanggi at mukhang ginigiba ang mga nagsiwalat na 18 dating mga sundalo.

May nagsasabing dishonorable discharge ang ilan sa mga ito at hindi rin miyembro ng Philippine Marines ang ilang sa kanila.

Kung ano ang sinapit ni MSgt. Orly Guteza ay tila ganito ang gagawin nila sa 18 dating mga sundalo, ang sisilipin nila ay ang pagkatao ng mga nagsiwalat at hindi ang nilalaman ng kanilang mga sinasabi sa kanilang affidavit.

Kung mayroon kayong dapat kwestiyunin ang pagkatao ay walang iba kundi si Ramil Madriaga na ginagamit n’yong testigo laban kay Vice President Inday Sara Duterte.

Si Madriaga ay nakakulong, ang 18 dating mga sundalo ay hindi nakakulong.

Dahil gusto n’yong gibain si VP Sara para hindi siya makatakbo sa 2028 presidential election, kahit nakakulong ay gagawin n’yong testigo laban sa Pangalawang Pangulo?

Isiniwalat din ng 18 dating mga sundalo na maging ang “troll farm” ay pinondohan para lang gibain ang mga bumabatikos sa nangyayaring korupsyon sa ilalim ng administrasyon ni BBM.

Hindi habambuhay ay magtatagumpay ang kasamaan, darating ang panahon na ang Panginoon na mismo ang kikilos para matigil ang pagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Hindi maaaring walang managot sa nakawan sa kaban ng bayan. Adios!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45gmail.com.

1

Related posts

Leave a Comment