RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAGANAP na nga ang pagpapalit ng liderato ng Senado sa huling araw ng session ng mataas na kapulungan nitong Miyerkoles (June 3, 2026).
Nasipa sa pwesto si dating Senate President Alan Peter Cayetano at nabakante ang chairmanships ng iba’t ibang komite at muling nagluklok ng mga bagong chairman, matapos na ideklarang bakante ng bagong mayorya ang mga posisyon.
Nangyari ito matapos na magkaroon ng quorum o sapat na bilang ang dating minorya sa pagsulpot ni Sen. Chiz Escudero sa plenaryo.
Ang ibig nga palang sabihin ng quorum ay ang pagkakaroon ng sapat na bilang na nandoon mismo sa plenaryo para magtuloy ang order of business sa Senado.
Dito ngayon nagkaroon ng pagkalito ang marami dahil naguguluhan ang karamihan sa isyu ng quorum.
Ginamit ang Supreme Court decision na Avelino vs. Cuenco kung saan sinabi sa desisyon na pwedeng i-adjust ang bilang upang magkaroon ng quorum. Ito ay kung hindi mahagilap ang ibang mga miyembro dahil sa wala sila sa bansa o ‘di kaya ay nasa ospital, nakakulong o nagtatago sa batas.
Ang isang halimbawa nito ay naganap noong 2015 na sesyon sa Senado kung saan ay mayroon lamang 17 senador na nasa plenaryo at wala ang pito dahil tatlo ang nasa piitan at ang apat ay nasa labas ng bansa. Nagdeklara ang Senate President noon na si Franklin Drilon na mayroong quorum gamit ang Avelino vs. Cuenco landmark Supreme Court decision.
Bakante naman ang posisyon ng Senate President dahil kailangan po ng labingtatlong bilang para magluklok ng bagong pangulo sa Senado.
Dahil dito, iniluklok ng bagong mayorya si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro-Tempore at pinalitan nito si Sen. Loren Legarda.
106 