NAGLAGAY ng karagdagang pwersa ang Philippine National Police (PNP) sa labas ng Senado kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga nagpoprotesta dahil sa muling pag-init ng sitwasyon sa loob at paligid ng Senado.
Ayon sa mga ulat, ito rin ang dahilan ng pagpunta ni Secretary of the Interior and Local Government Jonvic Remulla sa Senado upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa lugar.
Kasabay ng itinakdang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ng Cayetano bloc hinggil sa flood control controversy, nagkaroon ng insidente kung saan nagkasalubong sina Senator Robin Padilla, Senator Pia Cayetano, at si Secretary Remulla. Ayon sa mga ulat, nauwi ito sa tulakan.
Sinabi ni Secretary Remulla na nasa Senado siya sa kahilingan ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa Senate premises.
Sa panayam sa media, sinabi ni Secretary Remulla na naitulak siya sa naganap na komprontasyon.
“I was walking out when I was pushed aside,” ani Remulla.
Nilinaw rin niya na wala siyang planong harangin si Senator Padilla at ang mga kasama nitong umano’y 18 dating miyembro ng Marines.
“How can I do that? I was alone,” dagdag niya.
Samantala, nilinaw ng PNP na ang deployment ng pulisya ay nakatuon lamang sa labas ng Senado upang mapanatili ang kaayusan ng publiko kaugnay ng panawagan para sa isang vigil.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mananatili sa labas ng complex ang mga tauhan ng PNP upang bantayan ang sitwasyon at bilang paggalang na rin sa internal security protocols ng Senado.
Hinimok ni Nartatez ang lahat ng grupo na panatilihin ang pagiging mahinahon at sumunod sa batas habang isinasagawa ang mga pagtitipon.
Nanawagan din siya sa publiko na unawain na ang presensiya ng mga pulis sa lugar ay para tiyakin ang kapayapaan at seguridad habang ginaganap ang mga aktibidad.
(JESSE RUIZ)
120 