SUNTAY SINITA SA ‘KALASWAAN’ SA PAGDINIG SA KAMARA

NAGDESISYON ang House Committee on Justice na ipabura sa opisyal na record ng impeachment proceedings ang naging pahayag ni Quezon City Rep. Jesus Suntay matapos itong magkuwento ng umano’y “imagination” nang makita ang aktres na si Anne Curtis sa isang hotel.

Sa pagtalakay ng komite sa ikatlong impeachment complaint laban kay Sara Duterte, iginiit ni Suntay na walang political destabilization o sedition sa pahayag ng Bise Presidente na siya ay isang “designated survivor.”

“You know, ‘yung statement being the ‘designated survivor,’ it’s not illegal, it’s not criminal. In fact, it’s a process in the United States,” paliwanag ni Suntay.

Upang ilarawan ang kanyang punto, ibinahagi ng kongresista ang isang personal na anekdota kung saan sinabi niyang nakakita siya kay Curtis sa isang hotel at may mga bagay siyang “na-imagine,” ngunit iginiit niyang nanatili lamang ito sa isipan at walang ilegal na ginawa.

Hindi ito pinalampas ng ilang mambabatas. Agad na nagmosyon si Ysabel Maria Zamora na alisin sa record ang naturang pahayag, at sinuportahan ito ni Bienvenido Abante Jr..
“I want that deleted from the record!” ani Abante.

Pinaalalahanan din ni Zamora ang kanyang mga kasamahan na ginugunita ang Women’s Month ngayong Marso, at iginiit na ang ganitong mga pahayag ay hindi nakatutulong sa pagsusulong ng paggalang at pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan.

Dumepensa naman si Suntay at sinabing wala umanong ilegal o imoral sa kanyang sinabi at ito ay bahagi lamang ng kanyang pagpapaliwanag. Gayunman, hindi kinatigan ng komite ang kanyang depensa at tuluyang ipinabura sa opisyal na record ang nasabing pahayag.

(TINA MENDOZA)

8

Related posts

Leave a Comment