INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng opisyal ng pamahalaan at hinikayat ang publiko na maghanap ng paraan upang makatipid sa paggamit ng enerhiya sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa press conference sa Kalayaan Hall, tiniyak ng Pangulo na sapat ang suplay ng langis sa bansa ngunit kailangang maghanda sa posibleng pagtaas ng presyo.
Ayon sa kanya, may stockpile ang Pilipinas na aabot sa 50 hanggang 60 araw para sa gasolina, fuel oil at kerosene.
Naglabas na rin aniya ng direktiba sa lahat ng tanggapan ng gobyerno upang magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya, kabilang ang pagbabawas ng hindi kailangang biyahe at pag-eengganyo ng carpooling.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na gumamit ng pampublikong transportasyon at punuin ang mga pribadong sasakyan upang mabawasan ang konsumo sa krudo.
Maglalabas pa umano ang pamahalaan ng public service announcements para gabayan ang publiko sa iba pang paraan ng pagtitipid.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau na posibleng umabot hanggang P10 kada litro ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo kung magpapatuloy ang pag-akyat ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Rino Abad, kapag umabot sa USD20 ang itataas ng presyo kada bariles, maaaring tumaas ng P7 hanggang P10 kada litro ang presyo sa bansa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOE sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) para sa posibleng pagpapatupad ng fuel subsidies kung aabot sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan ang presyo ng langis.
(CHRISTIAN DALE)
5
