EPEKTO SA NEGOSYO NG GIYERA SA IRAN PINANGANGAMBAHAN

NABABAHALA ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa posibleng malaking epekto ng hidwaan sa Gitnang Silangan sa negosyo at ekonomiya ng bansa.

Ayon sa PCCI, direktang maaapektuhan ang Pilipinas dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo, lalo’t malaking bahagi ng inaangkat na langis ng bansa ay mula sa Middle East.

Babala ng grupo, maaaring magdulot ito ng pag-akyat ng inflation na babawas sa purchasing power ng mga mamimili.

Nanawagan naman ang Federation of Philippine Industries (FPI) sa pamahalaan na tiyakin ang sapat na suplay ng pangunahing bilihin sa pamamagitan ng buffer stocking at mas mahigpit na price monitoring.

Sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Iran at Israel, lumalakas ang pangamba sa pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Posibleng magresulta ito sa mas mataas na singil sa transportasyon at kuryente, paghina ng piso kontra dolyar, at pagtaas ng gastusin sa importasyon.

Bagama’t sa ngayon ay wala pang makabuluhang epekto sa remittances ng OFWs, nagbabala ang mga business group na maaaring maapektuhan ang exports ng Pilipinas dahil sa posibleng pagkaantala ng supply chain at raw materials mula sa rehiyon.

Ayon kay Prof. Emmanuel Leyco, mararamdaman ng ekonomiya ng Pilipinas ang negatibong epekto ng digmaan, lalo na kung maaapektuhan ang Strait of Hormuz na isa sa pinakamahalagang ruta ng krudo sa mundo.

Dagdag pa niya, kung magtatagal ang labanan, maaaring lumala ang inflationary shock na tatama sa mga kabahayan at industriya.

Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na nananatiling stable ang suplay ng fertilizer sa bansa.

(JESSE RUIZ)

4

Related posts

Leave a Comment