HUMINGI ng paumanhin si Quezon City Rep. Bong Suntay sa aktres na si Anne Curtis matapos umani ng batikos ang kanyang naging pahayag sa pagdinig ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Mistulang gulpi-sarado ang inabot ng mambabatas sa mga netizen matapos magpahayag ng pagkadismaya ang ilang indibidwal kabilang ang kapatid ni Anne Curtis na si Jasmine Curtis-Smith.
Halos iisa ang pananaw ng netizens na may halong kabastusan ang pahayag ng mambabatas laban sa isang babae.
“…there was no malice intended, and we apologize to her,” ani Suntay, sabay sabing ginamit lamang ang analogy upang ipaliwanag ang kanyang argumento na ang “desire and imagination” ay hindi impeachable offense.
Gayunman, nagmosyon si San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na ipabura sa rekord ang naturang pahayag na inaprubahan naman ng komite.
Sa pagtalakay ng komite sa ikatlong impeachment complaint ay ipinunto ni Suntay na walang political destabilization o sedition nang sabihin ni Vice President Sara Duterte na siya ay “designated survivor”.
“You know, ‘yung statement being the ‘designated survivor,’ it’s not illegal, it’s not criminal. In fact, it’s a process in the United States,” paliwanag ni Suntay.
“Mere utterance na I’m designating myself… in fact, hindi nga pwede ‘yon eh. Can you designate yourself without a process. Sinabi lang niya ‘yon, siguro nagpapatawa lang siya,” dagdag nito.
Nauna nang nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte kay Suntay na maglabas ng malinaw na paghingi ng tawad at igalang ang dignidad ng kababaihan, lalo na sa gitna ng Women’s Month.
Tinukoy pa ng alkalde na ang Quezon City ang nagpasimuno ng Bawal Bastos Ordinance noong 2016 na nauna pa sa pambansang Safe Spaces Act, bilang patunay ng paninindigan ng lungsod laban sa mahalay at mapanghamak na pananalita.
Ayon kay Belmonte, ang mga salita ng kongresista ay direktang sumasalungat sa diwa ng empowerment na pinaghirapang itayo sa Quezon City.
(TINA MENDOZA/PAOLO SANTOS)
40 