KUMALAS ang ilang mambabatas sa isinusulong na anti-political dynasty bill matapos tawaging “mahina” ang bersyong inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Binawi ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang kanyang House Bill No. 2037 kasunod ng pag-apruba ng substitute bill na inakda nina House Speaker Faustino Dy at Majority Leader Ferdinand Sandro Marcos.
Sa ilalim ng substitute bill, hanggang second degree of consanguinity lamang ang saklaw ng pagbabawal na malayo sa orihinal na panukalang hanggang fourth degree.
Para kay Erice, hindi ito tunay na anti-dynasty law.
“It is clear in our Constitution… it should promote equal access and opportunities to ordinary citizens for public office. But here, you have 10 people from a political clan, all of whom can run for different posts,” diin niya, sabay sabing mas “tataba” pa ang political dynasty sa ganitong bersyon.
Inaprubahan naman ni Committee chair at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pag-withdraw ng panukala ni Erice.
Sumunod ding kumalas ang Makabayan bloc.
“We cannot support a bill that merely regulates political dynasties instead of prohibiting them, which is what the Constitution explicitly commands,” ayon sa kanilang pahayag.
Tinawag pa ng grupo na “mockery of the Constitution” ang substitute bill at iginiit na hindi sila papayag sa isang batas na puno umano ng “loopholes” at nagpapanatili lang ng status quo.
Matatandaang apat na committee hearing at apat na public consultations sa Cavite, Cebu at Cagayan de Oro ang isinagawa bago mabuo ang substitute bill. Kinonsulta rin ang mga legal expert kabilang sina dating Supreme Court Justices Antonio Carpio at Adolfo Azcuna, na nagsabing ang “ideal anti-dynasty law” ay dapat umabot hanggang fourth degree of consanguinity and affinity.
Nakatakdang ihain ang committee report sa plenaryo para sa ikalawang pagbasa.
(TINA MENDOZA)
26 