MAAARING pag-aralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahing 4-day work week at work-from-home (WFH) scheme para makatipid sa paggamit ng petrolyo sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, bukas ang Pangulo na suriin ang suhestiyon kung lalala pa ang Israel-Iran conflict.
“Sa ngayon po ay maaaring pag-aralan ng Pangulo ang ganyang suhestiyon lalo na kung magiging malala pa ang nangyayaring Israel-Iran issue,” ani Castro, sabay linaw na hindi pa ito napag-uusapan sa gabinete.
Nauna nang iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang 4-day work week at WFH bilang “immediate solution” sa nakaambang pagtaas ng presyo ng langis.
“Kasi once na lumabas ka… gastos sa petrolyo ‘yun,” giit ng senador.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng gobyerno na magtipid sa enerhiya.
“Maghanap tayo ng paraan para mabawasan ang ating paggamit ng lahat ng sources of energy natin,” pahayag ng Pangulo.
Hinikayat din niya ang publiko na bawasan ang unnecessary travel, mag-carpool, at gumamit ng pampublikong transportasyon upang maibsan ang epekto ng posibleng oil price hike.
(CHRISTIAN DALE)
20 