PNP NAGBABALA SA POSIBLENG DISGRASYA SA RILES NA TINAMBAKAN NG LUPA

QUEZON – Nagkaroon ng aberya sa riles ng tren matapos tambakan ng lupa ang isang barangay road crossing sa bayan ng Candelaria sa lalawigan.

Ayon sa mga residente, nagpasya umanong tambakan ng makapal na lupa ang bahagi ng riles dahil nahihirapan umanong makatawid ang mga tricycle sa lugar na sakop ng Barangay Taguan.

Itinuro pa ng ilang residente ang barangay bilang umano’y nagpasimuno ng naturang hakbang.

Ngunit itinanggi ng mga opisyal ng barangay ang alegasyon at sinabing wala silang inilabas na utos para tambakan ang riles. Sa halip, itinuro nila ang TODA sa lugar at iginiit na hindi nila alam ang ginawang pagtatambak.

Dahil sa insidente, pansamantalang naabala ang pagdaan ng isang Kubota maintenance vehicle ng Philippine National Railways o PNR.

Ayon sa PNR, ilegal ang naturang pagtambak sa road crossing at maaari itong alisin.

Nagbabala rin ang ahensya na kung nagkataong may dumaan na tren habang may tambak na lupa sa riles, posibleng magdulot ito ng pagkadiskaril at seryosong aksidente.

Sa huli, pinagtulungan ng mga tauhan ng PNR at mga opisyal ng TODA ang pagtanggal sa lupang itinambak upang maibalik sa maayos na kondisyon ang riles.

Patuloy namang pinaiimbestigahan ang insidente upang matukoy kung sino ang dapat managot sa nangyari.

(NILOU DEL CARMEN)

50

Related posts

Leave a Comment