CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung onsehan sa droga ang dahilan ng pagpatay sa isang motorcycle rider na binaril ng kapwa rider sa General Trias City noong Martes ng hapon.
Naisugod pa sa General Trias Medicare Hospital ang biktimang si alyas “Ed”, 37, binata, ng Gen. Trias City, subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa ulo.
Tinutugis naman ang suspek na kinilalang si alyas “Poks” na sakay ng kanyang itim na motorsiklong Yamaha Mio na may plakang 757UZO, na tumakas matapos ang insidente.
Nabatid sa ulat, bandang alas-4:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Brgy. Pasong Camachile 1, General Trias City, Cavite.
Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong Motor Star na walang plaka, pauwi sa kanilang bahay nang buntutan siya ng suspek na sakay rin ng kanyang motorsiklong Yamaha Mio.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, binaril ng suspek ang biktima na tinamaan sa kanang bahagi ng kanyang ulo.
Isinugod ang biktima sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.
Natagpuan malapit sa pinangyarihan ng insidente ang isang pirasong sachet ng hinihinalang shabu malapit sa motorsiklong ginamit ng biktima.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung droga ang posibleng motibo sa insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
67 