4 MOTOR INARARO NG TRUCK; 2 PATAY, 3 SUGATAN

RIZAL – Patay ang isang rider at angkas nito habang sugatan ang tatlo pang driver ng motorsiklo matapos na sila ay araruhin ng isang dump truck na nawalan ng preno habang nakahinto sa stop light sa Marilaque highway, Brgy. Sampaloc sa bayan ng Tanay sa lalawigan noong Biyernes ng hapon.

Batay sa imbestigasyon ng Tanay Municipal Police Station, bandang alas-2:30 ng hapon nang mawalan umano ng preno ang dump truck habang bumabagtas sa J.P. Rizal Avenue patungo sa Sampaloc proper.

Sinubukan pa umanong iwasan ng driver ng truck ang sasakyan sa unahan nito, ngunit bumangga pa rin ito sa unang motorsiklo na nakahinto sa interseksyon dahil red light.

Dahil sa lakas ng impact, tuluy-tuloy na inararo ng truck ang tatlo pang motorsiklo na nasa unahan.

Agad isinugod sa ospital ang rider ng unang motorsiklo at ang kanyang angkas ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor, habang nagkaroon naman ng minor injuries ang tatlo pang driver ng motorsiklo.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa driver ng dump truck.

(NILOU DEL CARMEN)

140

Related posts

Leave a Comment