DUBAI TRAVEL NG BULACAN VICE MAYORS IIMBESTIGAHAN

POSIBLENG imbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Commission On Audit (COA) ang mga vice mayor sa lalawigan ng Bulacan na bumiyahe patungong Dubai, United Arab Emirates, matapos ang panibagong isyu na kumakalat ngayon sa social media na ang kanilang pagbiyahe ay personal pero nag-release umano ng government funds.

Nabatid sa nasabing post sa social media na sa isang panayam kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque, sinasabing mayroon pinirmahan ang alkalde na travel authority para sa kanyang bise alkalde na si Vice Mayor Cris Castro.

Base pa sa panayam, tinanong ang alkalde kung totoo na naglabas ng P500,000 public funds ang mga vice mayor para sa naturang Dubai travel ngunit hindi ito direktang sinagot ni Roque pero kinumpirma ng alkalde na naglabas si Castro ng P500,000.

Samantala, kinumpirma ni Roque ang usapin sa halagang P500,000 pero giit nito na hindi siya siguro kung sa nasabing Dubai travel ito ginamit ni Castro.

Nauna rito, sa panayam kay DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang press conference, kinumpirma nito na may Bulacan vice mayors ang na-stranded sa Dubai dahil sa namamagitang sigalot o giyera sa pagitan ng United States of America (USA), Israel laban sa Iran.

Dito ay binanggit ni Remulla na ang mga vice mayor ay may travel authority sa personal na pagbiyahe at gastos ito ng mga bise alkalde mula sa kanilang mga sariling bulsa, taliwas sa mga lumalabas sa social media na mayroong P500,000 na ni-release mula sa government fund.

Dahil dito, hindi malinaw kung ang nasabing pagbiyahe ng mga lokal na opisyal ay official o personal at bakit may pondong inilabas at saan ito ginamit?

Ayon sa isang reliable source na pansamantalang ayaw ipabanggit ang pangalan, dapat umanong imbestigahan muli ni Sec. Remulla at ng COA ang nasabing usapin para malinawan kung mayroong nalustay na pondo sa nasabing Dubai travel.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na pahayag dito ang DILG, COA at maging si Baliwag Vice Mayor Ferdie Estrella, presidente ng Bulacan Vice Mayors League of the Philippines, gayundin si Vice Mayor Castro.

Nabatid pa sa source, hanggang nitong Marso 7, pito pa lang sa 11 vice mayor na stranded, ang nakababalik sa Pilipinas, habang ang 4 ay ngayong Sabado inaasahang darating sa bansa.

(ELOISA SILVERIO)

165

Related posts

Leave a Comment