PAGREPASO SA OIL DEREGULATION LAW HINIRIT SA PAGTAAS NG PRESYO NG LANGIS

NANAWAGAN si House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Rep Miro Quimbo sa Kongreso na repasuhin ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis kasunod ng tensyon sa pagitan ng United States at Iran.

Sa briefing ng House Committee on Ways and Means na dinaluhan ng mga kinauukulang ahensya, sinabi ni Quimbo na nagsisilbing “wake-up call” ang sabay-sabay na oil price hike ng mga kumpanya ng langis ilang araw matapos sumiklab ang sigalot sa Middle East.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat agad tumaas ang presyo dahil karamihan sa suplay ng langis ng mga kumpanya ay nabili bago pa sumiklab ang kaguluhan.

“karamihan sa supply ng langis ng mga kumpanya ngayon ay nakuha nang hindi pa nagkaka-giyera, pero bakit pinapayagan ang presyo na pang-giyera na,” ani Quimbo.

Inusisa rin niya kung bakit sabay-sabay tuwing Martes at pare-pareho ang halaga ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ipinaliwanag naman ni Rino Abad ng Department of Energy na sa ilalim ng deregulated regime ay maaaring baguhin ng oil companies ang presyo, ngunit may kasunduan na lingguhan lamang ito ginagawa.

Hinala ni Quimbo na posibleng may “collusion” o sabwatan at “abuse of dominant position” ang ilang kumpanya ng langis.

Iginiit niya na kung hindi napapakinabangan ng publiko ang layunin ng deregulation na magkaroon ng tunay na kompetisyon sa presyo, dapat itong repasuhin upang mabigyan ng mas malakas na kapangyarihan ang DOE laban sa mga abusadong kumpanya ng langis.

(TINA MENDOZA)

79

Related posts

Leave a Comment