(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MAGPAPATUPAD ng flexible work arrangements at mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya ang ilang ahensya ng pamahalaan alinsunod sa kautusan ng Malacañang.
Kabilang dito ang hudikatura matapos ilabas ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo ang Memorandum Circular No. 02, Series of 2026 na epektibo sa buong judicial branch.
Sa ilalim ng circular, magpapatupad ang Supreme Court at Court of Appeals ng apat na araw na on-site work at isang araw na work-from-home (WFH) kada linggo.
Mananatili namang limang araw na on-site workweek ang Sandiganbayan at Court of Tax Appeals.
Ipatutupad din sa first at second level courts ang kaparehong work arrangement habang pinapayagan ang paggamit ng video conferencing sa ilang pagdinig.
Kasama rin sa kautusan ang pagpapatupad ng mga hakbang sa energy conservation sa lahat ng korte at tanggapan ng hudikatura.
Magkakabisa ang naturang patakaran simula ngayong Marso 9, 2026 hanggang sa maglabas ng panibagong direktiba ang Korte Suprema.
Samantala, magpapatupad na rin ng apat na araw na workweek ang pamahalaang lungsod ng Maynila matapos lagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang Executive Order No. 8, Series of 2026.
Epektibo rin kahapon ang bagong iskedyul ng trabaho mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi o alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Papapasok lamang ang mga kawani mula Lunes hanggang Huwebes habang suspendido ang trabaho tuwing Biyernes.
Hindi kabilang sa apat na araw na workweek ang mga ahensyang nagbibigay ng essential at frontline services gaya ng emergency response units, health services, sanitation operations, public markets at utilities tulad ng water pumping stations.
Ayon sa Manila city government, bahagi ang hakbang sa pagsuporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabawasan ang epekto sa bansa ng kaguluhan sa Middle East, kabilang ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang bilihin.
Hinimok din ni Moreno ang pribadong sektor na makiisa sa hakbang upang makatulong sa pagtitipid ng enerhiya.
Maging ang Department of Education (DepEd) ay inatasan na rin ang lahat ng tanggapan nito sa buong bansa na magpatupad ng four-day onsite work arrangement mula Lunes hanggang Huwebes, habang work-from-home naman tuwing Biyernes.
Ipinalabas ang polisiya sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 018, Series of 2026 na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara noong Marso 8.
Ayon sa DepEd, magsisimula ang bagong work setup ngayong Marso 9 at mananatili hanggang sa bawiin ng Office of the President.
Sinabi ng departamento na ang hakbang ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 ng Office of the President na nag-uutos sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng energy conservation protocols at flexible work arrangements sa gitna ng tumataas na presyo ng fuel na iniuugnay sa global geopolitical tensions.
Nilinaw naman ng DepEd na hindi saklaw ng WFH arrangement ang non-teaching at kaugnay na teaching personnel kabilang ang contract-of-service at job-order employees.
Patuloy namang susundin ng teaching personnel ang umiiral na class schedules at school arrangements upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagsasagawa ng klase at end-of-school-year activities.
Bukod sa flexible work setup, inatasan din ang mga tanggapan ng DepEd na magpatupad ng energy conservation measures na layong bawasan ang paggamit ng kuryente at fuel consumption ng 10 hanggang 20 porsyento.
Kabilang dito ang pagpapanatili sa 24°C ng thermostat ng air-conditioning units, pag-activate ng sleep settings sa office equipment, pagpatay ng hindi kinakailangang ilaw at electronic devices tuwing lunch break at pagkatapos ng office hours, at paghikayat sa paggamit ng hagdan sa halip na elevator.
Ipinag-utos din na isagawa nang virtual ang mga inter-agency meetings, consultations at conferences, maliban na lamang kung kinakailangan ang physical meetings.
Pinayuhan din ang mga tanggapan na limitahan ang official travel at magsagawa lamang ng biyahe kung kinakailangan at hindi kayang isagawa sa pamamagitan ng virtual meetings o electronic communication.
Upang mabawasan ang fuel consumption sa government transport, pinaiiral din ang fleet-efficiency measures gaya ng pagsasama-sama ng official trips, pag-optimize ng travel routes at schedules, pagbabawas ng engine idling, at paggamit ng “full-tank method” sa fuel monitoring.
Sa kabila ng WFH arrangement, iginiit ng DepEd na dapat manatiling tuloy-tuloy, episyente at hindi naaabala ang serbisyo ng pamahalaan, lalo na sa mga frontline offices.
Inatasan ang mga pinuno ng tanggapan na maglatag ng mekanismo upang matiyak na ang mga kliyente at stakeholder ay makapagsusumite ng kanilang requests at inquiries sa pamamagitan ng official communication channels.
Binigyang-diin din ng DepEd na ang implementasyon ng work arrangement ay dapat alinsunod sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, na nag-aatas sa mga ahensya na panatilihin ang zero backlog sa frontline at non-frontline services.
Ang attendance at performance ng mga tauhang naka-WFH ay imo-monitor sa pamamagitan ng daily time records, individual daily logs at accomplishment reports na aprubado ng kanilang immediate supervisors.
(JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN/CHRISTIAN DALE)
108 