TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines na magpapatuloy ang mga operasyon ng militar sa kabila ng nakaambang oil crisis dulot ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ang naturang tensyon ay kaugnay ng hidwaan sa pagitan ng United States, Israel, at Iran na nagsisimula nang makaapekto sa ilang kalapit na bansa.
Ayon kay Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, tuloy-tuloy at walang patid ang operasyon ng militar sa naturang karagatan kahit pa tumataas ang presyo ng langis.
Aniya, nananatiling nakatuon ang militar sa pagtupad sa mandato nito, lalo na sa pagbabantay sa maritime domain ng bansa.
“Lahat ng aktibidad ng AFP ngayong taon na may kaugnayan sa operasyon ay magpapatuloy. Mandato namin na ito ay maisakatuparan,” pahayag ni Trinidad sa ginanap na press briefing sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Dagdag pa ng opisyal, hindi maaaring magkaroon ng paghina sa pagtupad ng tungkulin ng militar, lalo na sa pagbabantay sa interes ng bansa sa karagatan.
“Para sa AFP, lahat ng usaping operasyonal ay magpapatuloy. Hindi natin kayang magkaroon ng pagkukulang sa pagtupad ng aming mandato,” ani Trinidad.
(JESSE RUIZ)
121 