INIREKOMENDA ng Office of the Solicitor General sa Supreme Court of the Philippines ang pagpapawalang-sala kina Maria Ressa at Reynaldo Santos Jr. sa kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanila.
Sa Manifestation and Motion na inihain noong Marso 9, sinabi ng OSG na lampas na sa itinakdang prescriptive period ang kaso batay sa naunang desisyon ng Korte Suprema.
Sa naturang ruling, itinakda ng SC na isang taon lamang ang prescriptive period para sa cyberlibel cases alinsunod sa mga probisyon ng Revised Penal Code.
Dahil dito, iginiit ng OSG na hindi na maaaring ituloy ang kaso laban kina Ressa at Santos dahil isinampa lamang ito noong 2019 kaugnay sa artikulong unang nailathala noong 2014 at nadiskubre ng complainant noong 2016.
Gayunman, nilinaw ng OSG na hindi nangangahulugang protektadong speech ang cyberlibel, ngunit kinikilala ng pamahalaan ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa limitasyon sa pagsasampa ng ganitong kaso.
Dagdag pa ng OSG, igagalang ng pamahalaan ang magiging pinal na pasya ng Korte Suprema sa naturang usapin.
(JULIET PACOT)
118 