HIRIT NA EXTENSION NI JINGGOY PINAGBIGYAN NG DOJ

PINAGBIGYAN ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ni Senador Jinggoy Estrada na palawigin ang pagsusumite ng kanyang counter-affidavit kaugnay ng 11 counts of graft na isinampa laban sa kanya.

Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na pinayagan ng panel of prosecutors ang kahilingan ni Estrada ngunit hanggang tatlong araw lamang o hanggang Marso 12.

Pagkatapos ng nasabing petsa ay isusumite na ang kaso para sa resolusyon.

Ayon sa mensahe ni Martinez sa mga mamamahayag: “Sen. Estrada requested for another extension to file his counter-affidavit. He was given a non-extendible period of three days or until March 12 by the panel, at which point the case will be submitted for resolution.”

Samantala, naghain din ng mosyon si Estrada sa 5th Division ng Sandiganbayan, kung saan dinidinig ang kanyang kasong graft kaugnay ng PDAF scam, upang makabiyahe sa ilang bansa sa Asya kabilang ang Hong Kong, Macau, at Japan mula Marso 31 hanggang Abril 5, 2026.

Gayunman, kailangan pa rin niyang humingi ng pahintulot sa Manila Regional Trial Court dahil mayroon siyang Precautionary Hold Departure Order (PHDO) kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ang pag-iisyu ng PHDO sa mga sangkot sa naturang proyekto ay dahil umano sa posibilidad na sila ay maging flight risk.

(JULIET PACOT)

77

Related posts

Leave a Comment