TINIYAK ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa House of Representatives na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa agarang repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sakaling lumala ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa joint hearing ng House Committees on Foreign Affairs at Overseas Workers Affairs, sinabi ni Hans Leo Cacdac, kalihim ng DMW, na nakahanda ang Aksyon Fund ng ahensya na nagkakahalaga ng ₱200 milyon, bukod pa sa ₱800 milyon na maaaring kunin sa Department of Budget and Management.
“The funds have been downloaded to the respective posts and they are adequate,” ani Cacdac.
Ang Aksyon Fund ay nakalaan para sa rapid assistance sa mga OFW kabilang ang legal, medical, repatriation at humanitarian support.
Sinabi naman ni Patricia Yvonne Caunan, administrator ng OWWA, na maaari ring gamitin ang Emergency Repatriation Fund (ERF) sakaling magkaroon ng malawakang evacuation sa Middle East.
“We are at a utilization rate of 18 percent as we speak. So that would bring us down to a balance of ₱1.4 billion,” pahayag ni Caunan.
Ikinatuwa naman ni Rep. Bryan Revilla, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, ang katiyakan ng dalawang ahensya na may sapat na pondo ang gobyerno para sa mga OFW.
“It is very important na malaman ng ating mga kababayan na meron pong pondo ang ating gobyerno na nakahanda para sa mga nangangailangan,” ani Revilla.
Ang pagdinig ay inisyatibo ni House Majority Leader Sandro Marcos upang alamin ang kahandaan ng pamahalaan sakaling lumawak pa ang tensyon sa Gitnang Silangan.
(TINA MENDOZA)
58 