NAGKASA ng apat na araw na tigil-pasada ang mga driver at operator ng Cavite Zapote Naic Tanza Transport Service Cooperative (CZNTTSC) bilang protesta sa umano’y panggigipit sa kanilang hanay.
Ayon sa grupo, hindi papasada ang kanilang mga jeep sa Cavite City mula Marso 11 hanggang Marso 15. Gayunman, mananatiling bukas ang kanilang biyahe sa ibang ruta gaya ng Noveleta hanggang Naic at Zapote at vice versa.
Paliwanag ni Marcus Copino, chairman ng CZNTTSC, napilitan silang magprotesta matapos ipasara ang kanilang terminal sa Barangay 13 Lawin Terminal dahil hindi umano nila agad naiproseso ang hinihinging business permit sa loob lamang ng isang araw na palugit.
Ani Copino, hindi ganoon kadali ang pagkuha ng business permit dahil may mga prosesong kailangang sundin, lalo pa’t ang may-ari ng terminal na kanilang inuukupahan ay kasalukuyang nasa ibang bansa.
Nanawagan ang mga driver kay Cavite City Mayor Denver Chua, na bigyan sila ng sariling terminal.
Hiling din ng grupo na habang inaayos nila ang mga kinakailangang dokumento ay payagan muna silang gumamit ng pansamantalang terminal upang hindi tuluyang maantala ang kanilang kabuhayan.
Ipinagtataka rin ng mga driver kung bakit hindi sila nabibigyan ng terminal gayong mas malaki ang bilang ng kanilang grupo kumpara sa iba pang transport group na umano’y nabigyan na ng pwesto.
Sa kabila nito, sinabi ng CZNTTSC na nagkakaisa ang kanilang hanay sa isinagawang tigil-pasada bilang paghahayag ng kanilang panawagan sa lokal na pamahalaan.
(SIGFRED ADSUARA)
81 