KINONDENA at tinawag na harassment ni Occidental Mindoro Rep Leody Tarriela ang pagsasampa sa kanya ng kaso sa Office of the Ombudsman na nag-ugat lamang nang tanggihan ng DPWH-Mindoro District Office na bigyan ng hinihinging dokumento ang isang brodkaster.
Si Tarriela ay sinampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman ng brodkaster sa Occidental Mindoro na si Radamalyn Fernando Cardoza.
“Paano naman na naging kasalanan ko na hindi siya nabigyan ng kung ano mang hinihingi nya na dokumento sa DPWH Mindoro? At kung wala nga siyang nakuhang kung anuman, ano ngayon ang basehan ng kanyang kaso laban sa akin,” paliwanag ni Tarriela.
Nang hingan ng reaksyon ukol sa isinampang graft case, sinabi ni Tarriela na harassment lamang ang motibo ng complainant, aniya, minsan na rin siyang sinampahan ng disqualification case ni Cardoza noong May 2025 election subalit nabasura ito.
Si Tarriela ay muling nanalo sa congressional seat noong nakaraang eleksyon, ang kanyang ikalawang termino.
Naniniwala si Tarriela na ang harassment ay kasunod ng patuloy na pag-uugnay sa kanya bilang DPWH Contractor, na wala anyang katotohanan at wala siyang koneksyon sa ahensya.
“Hindi ako member ng Committee on Appropriations, ng Bicameral Conference Committee o ng Small Committee. Hindi ako nakikialam sa pag-implement ng mga projects na nakaatang sa DPWH. Hindi ako nakikisali sa procurement at mga biddings. Wala din akong inuutusan na makialam sa mga bagay na to, at mas lalong hindi ako isang kontratista,” paglilinaw nin Tarriela.
Sinabi ng mambabatas na nakipag-ugnayan na sya sa kanyang mga abogado.
“At present, I have already instructed my lawyers to study the case that may be filed against this person” pagtatapos pa ni Tarriela.
Batay sa inihaing graft complaint, inakusahan ni Cardoza si Tarriela na sangkot sa flood control scam sa Occidental Mindoro, ang reklamo ay ibinatay ng complainant sa naging pagdinig sa Senado kung saan nabanggit ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang pangalan ni Tarriela. (TM)
127 