WALANG KAYOD, MAY KRISIS PA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAHAL ang gas. Tumaas ang presyo ng mga bilihin, kasama ang bigas.

Tapos, kasama ka pa sa 2.96 milyong Pilipino na walang trabaho.

Ayan, umakyat sa 5.8 porsyento o 2.96 milyong Pilipino ang naitalang walang trabaho o pinagkakakitaan nitong Enero 2026, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Mas mataas ito sa 4.4% na naitala noong Disyembre kung saan 2.26 milyon ang walang trabaho.

Ang pagtaas daw ng bilang ng walang trabaho nitong Enero ay dahil sa paghina ng kinakailangang manggagawa matapos ang holiday.

Iba talaga kapag ber months, marami ang nakararanas ng saya tuwing payday. Kaso sasalubong sa bagong taon na tapos na ang kita.

Matik ‘yan.

Ayon nga sa PSA, halos 306,000 ang naghanap ng trabaho nitong Enero ngunit nabigo, habang 196,000 ang naghihintay sa resulta ng kanilang aplikasyon.

Ngayon, magkakaroon ba ng maraming oportunidad sa trabaho ang mga Pilipino dahil bakasyon sa tag-araw na, may Semana Santa pa? Mabawasan kaya ang bilang ng tambay?

Duda, ngayon pa nga lang may ilan na ang hindi namamasada dahil sa malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo. ‘Yung iba ay naghahanap ng ibang trabaho, mula sa manibela ay pwede na raw sa pala. ‘Yun, ang driver ay gusto nang maging construction worker.

‘Yan ang Pinoy. Madaling makaagapay sa takda ng panahon.

Kaya sinasamantala ng ilang may poder ang resiliency at iniitsapuwera ang emergency na tulong na pwedeng ibigay nila sa displaced worker.

May tugon naman ang pamahalaan sa mga nawalan ng trabaho, underemployed at mga seasonal na trabahador – ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers at iba pang livelihood programs.

Pero, ilang araw lang ang durasyon ng trabaho. Sabagay sarap daw sa TUPAD. Konting walis, bunot ng damo may kita na.

Prayoridad ng pamahalaan na makalikha ng mas marami at mas mabuting trabaho, palakasin ang industriya at bigyan ang mga manggagawa ng skills na kailangan, at tiyakin na ang mga naapektuhan ng sigalot, kabilang ang mga OFW ay may produktibong oportunidad dito sa Pilipinas.

Sa papel at salita, marami ang nakikita at nagagawa, pero sa aktwal na gawa, aba ngalay ka na sa kahihintay ay hindi pa rin nangyayari ang mga plano kahit oras de peligro.

Maraming epekto ang malakihang taas-presyo ng produktong petrolyo sa mga Pilipino.

Kung missiles ang kalaban ng mga taong nasa gitna ng digmaan, ang ibang Pilipino naman ay miserableng buhay ang iniilagan.

Giyera kontra kahirapan ang labanan.

Kaya nakaaalarma ang balitang posibleng sa Mayo o Setyembre pa bumaba ang presyo ng krudo.

May krudo pa ba sa bansa sa mga buwang ito? Isang buwan lang ata reserba ng bansa kaya naghahanap ng ibang makukuhanan.

Pero ang Japan na pang-apat na pinakamalaking gumagamit ng langis ay walang produksyon ng krudo sa bansa nito.

Halos lahat ng krudong ginagamit nito ay mula sa Middle East kaya higit na apektado sila ng giyera.

Pero madiskarte ang Japan. Alam nito ang peligro kaya nag-imbak ito ng halos mahigit pang 200 na araw na supply ng petrolyo.

Iba na ang madiskarte.

Naku, ‘pag naubos na LPG natin, balik tayo sa mauuling na kaserola.

Buti kung may pambili ng induction cooktop at mga gamit na hindi nangangailangan ng gas.

Magmamahal ang kuryente kaya solar ang pampakalma.

Ilang araw na lang ang natitira sa 60 araw na reserba ng krudo sa bansa.

Bahala na naman?

128

Related posts

Leave a Comment