Isko nagpasalamat kay PBBM: 3,700 seniors sa Maynila, May P10K ayuda

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

DAPAT parusang kamatayan ang iparusa sa human trafficking, online sex exploitation ng mga bata at menor de edad, ‘di ba?

Batay sa RA 1193, life imprisonment ang pinakamabigat na parusa, at P500K hanggang P10-milyon ang penalty sa convicted trafficker.

Sana i-consider ito ng ating mambabatas, kasi ang isang biktima, halimbawa isang 15-anyos na batang babae na bukod sa inaalila na ay pinagsasamantalahan pa, ito ay isang continuing crime, paulit-ulit na pagdungis hindi lang sa pisikal na katawan ng biktima, kundi pati rin sa kaluluwa niya, at ang bawat minutong malabis na pag-aalaala, malaking takot, stress at hinagpis sa mga magulang.

Para sa akin, higit ito sa krimeng pagpatay, paggahasa o iba pang heinous crimes na may mabigat na parusang kulong na habambuhay na walang pag-asang makalaya pa o mabigyan ng parole o executive clemency.

Isipin mo, may anak kang lalaki o babae na mula pagkasanggol — buong timyas na inaruga, minahal nang higit pa sa sarili mo, at lahat ng

sakripisyo ay gagawin upang mapalaki lang nang maayos, tapos, dudukutin, aagawin sa iyo, saka gagawing alipin.

Human trafficking is a modern form of slavery!

Kung ikaw ay ama, ina, kapatid o kaanak, gaano ka man kabait at ugaling santo, kung gawing aliping parausan ng laman at alilang-kanin ang anak mo, tiyak kung mahuhuli ang kriminal, nanaisin mong pulbusin pati buto niya.

Kulang pang parusa iyon, sapagkat kalunos-lunos ang parusang dinadanas ng isang biktima sa bawat minuto sa kamay ng halimaw na kumain sa kanyang laman at kaluluwa.

Nakalulunos din na may mga magulang na udyok ng gipit na kahirapan, sila pa ang nagtutulak sa kanilang musmos na anak na ibenta ang katawan sa mga pedophile o ibuyangyang ang katawan sa online sex child trafficking.

Kaya, pinupuri natin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang mabibilis na aksyon at sunod-sunod na operasyon laban sa utak ng pambubugaw at pagbebenta ng laman sa ilang lugar sa Cavite, Central Luzon, Parañaque, Makati, Manila, Las Piñas at Quezon City.

Hindi lang tungkulin ng Inter Agency Council Against Trafficking at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang laban, sugpuin at parusahan ang mga human trafficker at promotor ng child prostitution.

Nakahihiya ang Pilipinas na hanggang ngayon ay tinatawag na “haven” ng human traffickers, at ayon sa ulat ng pulisya, talamak at patuloy ang krimeng ito sa mga lugar ng Pasay City, Makati City, Olongapo, Angeles City, Boracay, Puerto Galera, Surigao at sa marami pang lugar sa bansa.

Kahirapan, walang muwang sa batas, kulang na pansin ng awtoridad sa mga reklamo, lalo na kung ang biktima ay galing sa mahihirap na pamilya.

Salamat sa ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pinalakas niya ang giyera laban sa human traffickers at ang kilos ng Department of Justice (DoJ) na paramihin ang prosekyutor na uusig sa mga kriminal.

Sa totoo, isang global epidemic ang human trafficking, at sa pag-aaral, ito ang isa sa pinakamabilis na sindikato ng krimen sa mundo.

Isang krimen ito na nakatago, pinalihim-lihim sa mga sulok-sulok ng mararangyang bahay, sa mga bahay-kubo na ang anino ng mga biktima na gusto mang ilitaw ang karumal-dumal na karanasang sinapit, ay napipilitang itago sa malaking takot, malabis na pagkapahiya sa sarili, at sa paniniwalang walang mangyayari, magreklamo man dahil sa walang ikakayang itustos na salapi sa matagal, mabagal na proseso ng pag-uusig sa ating bansa.

Mungkahi natin: sana lumikha ng isang espesyal na korte na ang atas ay mabilis na pag-uusig sa loob lamang ng hindi lalagpas sa anim na buwan.

Justice delayed is justice denied, sabi nga natin.

***

Nagpasalamat si Manila Mayor Isko Moreno kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nang makatanggap ng cash gift na P10,000 ang mahigit 3,700 senior citizens sa Maynila sa ilalim ng Expanded Centenarians Act of 2024.

Isinagawa noong Lunes ng umaga, Marso 9, ang pamamahagi ng tulong sa pakikipagtulungan ng National Commission of Senior Citizens, kung saan umabot sa 3,703 senior citizens sa Maynila ang nakatanggap ng cash incentive. Kabilang dito ang mga nakarating sa milestone ages na 80, 85, 90, at 95 taong gulang, na bawat isa ay tumanggap ng P10,000 alinsunod sa Republic Act No. 11982.

Kinilala ni Moreno ang pambansang pamahalaan sa pagpapatupad ng pinalawak na batas na dati ay para lamang sa mga centenarian o mga umabot sa 100 taong gulang.

“Bagay na aking pinagpapasalamat kay President Bongbong Marcos sa pagpapatupad ng batas kung saan ang mga umabot ng 80, 85, 90, at 95 years old ay binibigyan ng P10,000,” ani ng alkalde.

Ayon kay Moreno, malaking tulong ang programang ito sa libu-libong matatandang residente sa Maynila at nagsisilbing dagdag sa mga programang ipinatutupad ng lungsod para sa mga senior citizen.

“Sa Maynila, nagsimula ‘yan noong panahon natin noong 2019. Regular ang bigay natin sa senior citizens, P500 kada buwan, at walang pinipili—mayaman, middle class o mahirap,” dagdag niya.

Sinabi rin ng alkalde na patuloy na nagbibigay ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng karagdagang tulong sa mga senior citizen, kabilang ang buwanang allowance at mga nutrition support program upang mapanatili ang kalusugan ng mga nakatatanda.

Tiniyak din niya na magpapatuloy ang lungsod sa pagpapabuti ng mga programa at serbisyo para sa mga senior citizen, at iginiit na nananatiling prayoridad ng pamahalaang lungsod ang pangangalaga sa kapakanan ng mga nakatatanda.

“Ang inyo namang Pamahalaang Lungsod ay hindi titigil na makagawa ng paraan para sa kapakinabangan ng ating mga lolo at lola. Gusto ko lang lagi na maramdaman ninyo na may gobyerno sa Lungsod ng Maynila na ipinagmamalasakit ang mga matatanda natin sa lungsod,” ani Moreno.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

118

Related posts

Leave a Comment