IKINATUWA ni Senador Mark Villar ang direktiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad ng mas makabagong authentication methods sa mga bank transaction simula Hunyo 30 ngayong taon.
Ang hakbang ay kaugnay ng implementasyon ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na layong palakasin ang proteksyon laban sa online fraud.
Bilang principal sponsor at author ng batas, sinabi ni Senador Villar na mahalaga ang bagong polisiya upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa iba’t ibang uri ng online scams at phishing.
Nangako rin ang senador na magsusulong pa siya ng karagdagang mga panukala upang mapalakas ang cybersecurity, maprotektahan ang mga mamimili, at mapatatag ang tiwala ng publiko sa digital financial services.
Matatandaang inihayag kamakailan ng BSP na ipagbabawal na ang paggamit ng SMS at email-based one-time passwords (OTP) sa mga bank transaction simula Hunyo 30, 2026.
Layunin nitong mapalakas ang seguridad ng digital banking at maiwasan ang mga krimeng tulad ng phishing, SIM swapping at text hijacking.
(Danny Bacolod)
96 